OUT OF TOUCH MGA BATA NI BBM

DPA ni BERNARD TAGUINOD

ISA sa mga dahilan kung bakit mahirap ang Pilipinas ay dahil hindi ramdam ng mga lider ng bansa ang tunay na kalagayan ng mga Pilipino dahil wala sa kanila ang nakaranas na kumalam ang sikmura.

Kahit minsan, hindi nakaranas ng hirap si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dahil ipinanganak itong mayaman at buhay prinsipe noong panahon ng kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., sa Palasyo ng Malacañang.

Kahit napatalsik sila sa kapangyarihang noong 1986, hindi pa rin sila naghirap dahil sangkatutak ang yaman na iniwan sa kanila ng kanilang ama na kahit ang apo ng kanyang magiging apo ay hindi maghihirap kailan man.

Maging ang appointees ni BBM ay walang sinoman diyan ang mahirap. Mula ang mga ‘yan sa buena familia kaya hindi na ako magtataka kung hindi nila alam kung ano ang pangangailangan ng mga mahihirap.

Tulad na lamang itong si Trade and Industry Secretary Federico Pascual na nagmungkahi na baguhin ang diet sa gitna ng tumataas na presyo ng bigas at banta na magkakaroon ng shortage ng supply.

Isang patunay ito na ‘out of touch’ siya dahil ang iminumungkahi nitong kamote at mais na ipalit sa bigas ay mas mahal. Payong sablay dahil walang ideya na ang isang kilo ng kamote ay P70 at hindi pa ‘yan puwedeng gawing lugaw para umalsa at makakain ng ilang beses.

‘Yung mais naman, halos wala nang nagtatanim ng white corn para ipagiling at gawing alternatibong kanin dahil halos lahat ng mga magsasaka ay yellow corn ang itinatanim at kung mayroon mang nagtatanim ay doble ang halaga n’yan sa bigas.

‘Yan ang problema sa mga lider natin dahil ang karaniwang basehan ng appointment ay koneksyon sa mga taong malapit sa pangulo at hindi ikinokonsidera kung may kakayahan ba ang mga ito na magsilbi at makatulong para maiangat ang buhay ng mahihirap na mga Filipino?

Maraming mga mahihirap ang nakapagtapos ng pag-aaral, nagpakadalubhasa sa kanilang napiling larangan at sila dapat ang i-appointment sa gobyerno dahil alam nila kung ano ang kalagayan ng mga tao sa baba dahil doon sila nanggaling at alam nila kung ano ang mga dapat gawin dahil nanggaling na sila roon.

Pero dahil wala silang koneksyon sa pulitika ay hindi sila nabibigyan ng pagkakataong magsilbi sa gobyerno kaya umaalis na lamang sila sa bansa at ang nakikinabang sa kanila ay ibang bansa at hindi ang sariling bayan.

Sa Department of Agriculture (DA) na pinamumunuan din ni BBM, ang tingin ko sa mga taong nandyan ay wala talagang alam sa pagsasaka lalo na ang Pangulo kaya hindi nila alam ang kanilang gagawin.

Bukod sa appointees dyan na paulit-ulit na lang ina-appoint, ang tatagal na ang karamihan dyan pero bakit hindi umaasenso ang sector ng agrikultura? Dahil ‘out of touch’ sila. Ang lagi nilang solusyon ay importasyon imbes na tulungan ang mga magsasaka para sila ay umunlad.

Mukhang puro teorya ang ginagamit nila at hindi nila naiintindihan ang sector na kanilang pinagtatrabahuhan. Ang pinapaasenso lang nila ay ang importers at hinahayaang maghikahos ang mga magsasaka.

118

Related posts

Leave a Comment