(NI BETH JULIAN)
PINAKAKASUHAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal at kawani ng PhilHealth na sangkot sa anomalya sa paggamit ng pondo ng nasabing ahensya.
Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, nababahala ang Pangulo sa lumutang na alegasyon sa iregularidad, partikular na ang mga iniulat na maling singil o fraudelent claims sa PhilHealth.
Tinyak ni Panelo na hindi makaliligtas sa tiyak sa pananagutan ang mga taong sangkot sa nasabing panloloko.
Kasabay nito, ipinasusumite rin ng Pangulo si acting PhilHealth President Dr. Roy Ferrer ng detalyadong report ng nasabing iregularidad.
Una nang sinuspinde ng PhilHealth ang 38 opisyal at empleyado nito kaugnay sa ulat na pagkolekta umano ng isang dialysis center ng mga benepisyo sa kanila.
Ilan umano sa mga sinuspinde ay mga mid-level manager na sangkot sa pagpoproseso ng mga maanomalyang transaksyon.
Nitong Huwebes ay isiniwalat ng dalawang dating empleyado ng WellMed Dialysis & Laboratory Center Corp., na sina Edwin Roberto at Liezel Santos, na nag-claim umano ang naturang PhilHealth-accredited facility ng benepisyo ng mga namatay na nilang pasyente.
