OVP MAAARING MAG-TREE PLANTING KAHIT WALANG CONFI FUNDS—PROSECUTION

BINIGYANG-DIIN ng House prosecution panel na maaaring magsagawa ng mga aktibidad tulad ng tree planting ang Office of the Vice President (OVP) kahit walang ginagamit o inilaang confidential funds, ayon kay Private Prosecutor Amando Ligutan sa ika-17 araw ng impeachment trial.

Ginawa ni Ligutan ang pahayag habang inihaharap ang screenshot ng isang social media post noong Agosto 13, 2026 na nagpapakita sa paglahok ni Vice President Sara Duterte sa tree-planting activity sa Nunungan, Lanao del Norte, sa ilalim ng PagbaBAGo: A Million Trees Campaign ng OVP.

Tinanong ni Ligutan ang dating OVP special disbursing officer na si Gina Acosta, na nagsisilbing hostile witness ng prosekusyon, kung may confidential funds ang OVP noong 2026 para sa naturang tree-planting activity.

Sumagot si Acosta na wala silang confidential funds para rito.

“At despite that, despite the absence of confidential funds, nakapag-tree planting, with God’s blessing, nang ligtas, nang walang untoward incident. Tama po ba?” tanong ni Ligutan kay Acosta.

Tumutol naman ang abogado ng depensa na si Lyndon Bacquel sa tanong dahil umano sa “irrelevance” o kawalan ng kaugnayan nito sa impeachment case.

Ayon kay Bacquel, ang aktibidad na isinagawa ngayong taon ay hindi saklaw ng mga Articles of Impeachment.

“The point is, there were no confidential funds allocated in 2026, and the Vice President was able to conduct one,” giit ni Ligutan.

Matatandaang nauna nang tumestigo si Acosta na ginamit umano ang confidential funds para sa mga tree-planting activity sa ilalim ng mga programa ng OVP.

“Ang tree planting po ay kasali sa pinaggastusan ng confidential funds. Before po gawin ang tree planting, ang aming security officer, Your Honor, mag-conduct sila ng surveillance kung safe ba,” paglalahad noon ni Acosta.

Si Acosta ay testigo para sa Article 1 ng impeachment case, na nag-aakusa kay Vice President Sara Duterte ng paglabag at maling paggamit umano ng confidential funds sa OVP at Department of Education (DepEd).

(TINA MENDOZA)

55

Related posts

Leave a Comment