PAGBAWI NI LACHICA SA ARs NG P125M CONFIDENTIAL FUNDS, KINUWESTYON

KINUWESTYON ng private prosecution ang umano’y kakaibang sistema kung saan binabawi ni Col. Raymund Dante Lachica ang mga acknowledgment receipt matapos gamitin ng dating Special Disbursing Officer (SDO) ng Office of the Vice President (OVP) na si Gina Acosta ang mga ito sa paggawa at pagsusumite ng liquidation reports para sa P125 milyong confidential funds na iniulat na nagastos sa loob lamang ng 11 araw.

Sa ika-17 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, sinabi ni Acosta na unang ibinibigay sa kanya ni Lachica ang fund utilization report.

Ginagamit umano niya ito upang i-tally ang mga gastos at ihanda ang liquidation documents na isinusumite sa Commission on Audit (COA).

Ngunit ayon kay Acosta, matapos niyang gawin ang liquidation report, binabawi ni Lachica ang mga acknowledgment receipt.

“Binawi po niya, Your Honor. Nakagawa na po ako ng liquidation, Your Honor. Naka-submit na po kami sa COA, Your Honor,” pahayag ni Acosta.

Sa mga dokumento, si Acosta ang itinalagang accountable at disbursing officer ng OVP, ngunit matapos maisumite sa COA ang liquidation reports, sinabi niyang wala na sa kanyang kustodiya ang mga orihinal na supporting documents.

Batay sa isinumite ng OVP, naubos ang buong P125 milyon mula Disyembre 21 hanggang 31, 2022, o sa loob lamang ng 11 araw.

Hinati umano ang pondo sa P14 milyon para sa pagbili ng impormasyon; P10 milyon para sa rewards; P16 milyon para sa renta at iba pang gastusin sa safe houses; P35 milyon para sa supplies; P40 milyon para sa medical at food aid; at P10 milyon para sa insentibo at travel expenses kaugnay ng confidential operations.

Partikular na kinuwestiyon ni Private Prosecutor Atty. Amando Virgil Ligutan ang P16 milyon na iniulat na ginastos sa renta at iba pang gastusin sa safe houses sa loob lamang ng 11 araw.

Ipinakita ng prosecution ang accomplishment report ng OVP upang matulungan si Acosta na maalala ang mga transaksyong isinagawa halos apat na taon na ang nakalipas.

Sa kabuuan, lumalabas na mahigit P11.36 milyon kada araw ang average na ginastos ng OVP sa loob ng 11 araw.

Lumitaw rin sa pagtatanong ang iba pang mga pangalan sa liquidation documents na kinuwestiyon ng prosecution, kabilang sina “Antonio Pagong,” “Timon Andrew Pusa,” “Shane Ngitngit,” “Don Piang,” “May Piang,” at “Xuniso Belat.”

Idinagdag ang mga ito sa mga nauna nang kinuwestiyong pangalan gaya nina “Mary Grace Piattos,” “Renan Piatos,” “Jay Kamote,” “Miggy Mango,” “Matthew N. Keso,” “Pia Piatos-Lim,” at “Xiaome Ocho.”

Kinumpirma rin ni Acosta na ibinigay niya kay Lachica ang cash mula sa confidential funds kahit alam niya ang mga probisyon ng Joint Circular No. 2015-01, na nagtatakda ng mga patakaran sa paggamit ng confidential at intelligence funds.

Sa ilalim ng joint circular, ipinagbabawal ang paglilipat ng cash advance mula sa isang accountable officer patungo sa isa pa, gayundin ang paglilipat ng confidential funds mula sa isang ahensya ng gobyerno patungo sa ibang ahensya.

Si Lachica ang noon ay pinuno ng Vice Presidential Security and Protection Group. Hindi siya ang itinalagang SDO ng OVP at hindi rin siya sakop ng fidelity bond para sa confidential funds.

Nauna nang tumestigo si Acosta na si Vice President Sara Duterte mismo ang nag-utos sa kanya na ibigay kay Lachica ang buong P125 milyon na cash. Ayon kay Acosta, hindi niya sana ibibigay ang pera kung walang pahintulot ng Bise Presidente.

Inamin din niya na hindi bahagi ng opisyal na tungkulin ni Lachica bilang security officer ang pag-disburse ng confidential funds.

Sa kabila nito, sinabi ni Acosta na ganoon din ang ginawa niya sa tatlo pang tig-P125 milyong confidential fund tranches noong 2023 at lahat ay ibinigay umano kay Lachica.

Sa kabuuan, P500 milyon na confidential funds ang sinabi ni Acosta na naibigay niya kay Lachica sa ilalim ng parehong sistema.

(DANG SAMSON-GARCIA)

56

Related posts

Leave a Comment