IPINABABALIK ni Senate President Vicente Sotto III sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang P11.8 bilyong ‘ilegal’ na ibinigay ng ahensiya sa mga ospital at dialysis center na panggastos sa coronavirus disease -2019 (COVID-19).
Ani Sotto, sa P14.8 bilyong inilabas ng PhilHealth, sa pamamagitan ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM), sa mga ospital at dialysis center ay tatlong bilyon lang ang “legal” na pondo rito.
Sa P14. 8 bilyon, dalawang bilyon ang “liquidated” na , banggit ni Sotto.
Ang P14.8 bilyon ay bahagi ng kabuuang P27 bilyong inilaan ng pamunuan ng PhilHealth para sa IRM.
Ang IRM ay taktika ng pamunuan ng PhilHealth upang ‘mabilis’ ang paglalabas ng pondo sa mga ospital at dialysis center para sa kanilang mga pasyenteng mayroong COVID – 19.
Ibinunyag ng senador na ang P11.8 bilyon ay ibinigay ng PhilHealth sa mga ospital at dialysis center na wala namang pasyenteng nagkaroon ng COVID – 19.
Ang paglalabas ng bilyun-bilyong pondo ng PhilHealth, sa pamamagitan ng IRM, ay nadiskubre sa imbestigasyon ng Senate Committee as a Whole at ng ilang komite sa Kamara de Representantes na naging oportunidad ng pandarambong ng mga opisyal sa PhilHealth.
Idiniin ni Sotto na sasampahan ng mga kasong kriminal ang mga may-ari at namamahala ng mga ospital at dialysis center na nakakuha ng pondo mula sa P11.8 bilyon kapag hindi nla isauli ito sa PhilHealth.
Bukod sa IRM, ang isa pang programa ng PhilHealth na ginawang ‘gatasan’ umano ng mga korap ay ang proyektong information technology (IT) na mahigit P700 milyon ang sobrang presyo ng mga gamit sa computer.
Tiniyak ni Sotto na kasama sina Health Secretary Francisco Duque III at si dating PhilHealth vice-chairman, president at chief executive officer Ricardo Morales sa irerekomenda ng Senado na kasuhan sa PhilHealth.
Si Duque ay chair of the board ng PhilHealth. (NELSON S. BADILLA)