P121K MARIJUANA BINENTA ONLINE, NASAMSAM

cavite

CAVITE – Tinatayang P121,000 halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana ang nasamsam matapos na maaresto ang apat na hinihinalang drug pushers at nasa listahan ng high value individual (HVIs), umano’y pinasok na rin ang online selling, sa isinagawang buy-bust operation sa Bacoor City noong Lunes ng umaga.

Kinilala ang mga suspek na sina Jan Rolando Carlos, alyas Janno; Lamberto Angeles, Vincent Pateño, at Macky Natividad, pawang nasa hustong edad at nasa listahan ng HVIs.

Ayon sa ulat ni Police Corporal Jerome Asid ng Bacoor City Police, dakong alas-8:00 ng umaga, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Bacoor CPS sa Brgy. Molino 3, Bacoor City na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang 725 gramo ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na may street value na P121,000, buy-bust money, weighing scale, P400 cash at isang yunit na motorsiklo.

Inamin ng pangunahing suspek na si Carlos na nagbebenta rin sila sa online at maaaring bayaran sa pamamagitan ng GCash bago i-deliver sa “customer”.

Kasong paglabag sa Sec. 5, 26 at 11 ng Art. II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang kinahaharap ng mga suspek na kasalukuyang nasa kustodiya ng Bacoor CPS.

(SIGFRED ADSUARA)

261

Related posts

Leave a Comment