ARESTADO ang isang lalaki makaraang makumpiskahan ng mahigit P2 milyong halaga ng umano’y shabu sa buy-bust operation sa Malate, Manila noong Martes ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Abdulmanan Buisan, alyas “Abdul,” 41, may asawa, tambay at residente sa FB Harrison St., Pasay City.
Batay sa ulat ni P/Brigadier General Francisco “Paco” Francisco, district director ng Manila Police District, na isinumite kay NCRPO chief, P/Major Gen. Vicente Danao Jr., bandang alas-12:30 ng tanghali nang ilatag ang buy-bust operation sa FB Harrison St. at Pres. Quirino Avenue sa Malate.
Sa report ng District Anti-Illegal Drug Enforcement Unit, bago isinagawa ang buy-bust operation, nagsagawa muna ng ilang araw na surveillance operation.
Nang magpositibo, isang tauhan ng MPD-DDEU ang bumili ng umano’y shabu na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Nakumpiska sa suspek ang 13 sachet ng hinihinalang shabu na aabot sa 367.6 gramo na tinatayang P2,499,680 ang street value.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
“Epektibo ang mga ginagawa nating pagtugis sa mga involve sa droga. Saksi ako sa sakripisyo at dedikasyon ng ating mga operatiba upang matigilan at mapigilan ang pagkalat nito sa mga komunidad. Muli naming hinihikayat ang ating mga kababayan na magsumbong sa NCRPO Text Hotline numbers 0915-888-8181 para sa Globe at 0999-901- 8181para sa mga ilegal na gawain sa inyong mga pamayanan o barangay,” pahayag ni Major General Danao Jr. (RENE CRISOSTOMO)
203 