CAVITE – Halos P200,000 halaga ng cash at gadgets ang tinangay ng hinihinalang isang akyat-bahay sa isang negosyante sa Tagaytay City noong Martes ng madaling araw.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-4:00 ng madaling araw nang pasukin ng suspek ang bahay ng negosyanteng si Michael Sinique, 52, sa Brgy. Kaybagal Central, Tagaytay City, sa pamamagitan ng pagdaan sa isang bukas na bintana.
Tinangay umano ng suspek ang laptop (P64,000), isang Iphone 15 Promax (P67,000), firearm license, driver’s license, tatlong ATM cards, tatlong credit cards, dalawang earpods, at P20,000 cash, na may kabuuang halagang P168,000.
Nagsasagawa ng backtracking ang pulisya sa CCTV para sa posibleng pagkakakilanlan ng suspek. (SIGFRED ADSUARA)
