P29.17M HALAGA NG YOSI, NADISKUBRE SA KARGAMENTONG IDINEKLARANG SCRAP METAL

TINATAYANG P29.17 milyon ang halaga sa merkado ng 320 kahon ng hinihinalang puslit na sigarilyong nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa Subport of North Harbor matapos ideklara ang kargamento bilang scrap metal.

Nadiskubre ang mga sigarilyo nang sumailalim sa spot checking ang dalawang 20-foot container van na nagmula sa Zamboanga, sa tulong ng K9 unit ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Natuklasan sa isang container ang mga sigarilyong may tatak na Astro at Redwood, habang naglalaman naman ang isa pang container ng mga white cigarette filter na nakalagay sa mga kahong may Chinese markings.

Sa kabuuan, 320 kahon ng sigarilyo ang natuklasang hindi tumutugma sa deklaradong laman ng kargamento. Tinatayang ₱9.6 milyon ang import value ng mga produkto, habang umaabot sa ₱29.17 milyon ang halaga ng mga ito sa merkado.

Iginiit ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno na hindi magiging daan ang maling deklarasyon upang maitago ang tunay na laman ng mga shipment at makaiwas sa mga kinakailangang customs at tax requirement.

“Malinaw ang ating paninindigan: hindi magiging daan ang maling deklarasyon para makalusot ang mga iligal na produkto,” ani Nepomuceno.

Sinabi rin ng opisyal na patuloy na paiigtingin ng BOC ang inspeksiyon, intelligence operations at pakikipag-ugnayan sa mga katuwang na ahensya upang maprotektahan ang kita ng pamahalaan at ang lehitimong kalakalan.

Bahagi ang pagkakadiskubre sa mga sigarilyo ng pinaigting na intelligence-driven inspections at inter-agency coordination ng BOC upang matukoy ang mga misdeclared at posibleng ilegal na kargamento bago makapasok sa lehitimong merkado.

Patuloy namang isinasagawa ang mga kaukulang proseso alinsunod sa mga batas sa customs at revenue.

Ayon sa BOC, naaayon ang mas mahigpit na pagbabantay sa mga kargamento sa direktiba ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang border protection, tiyakin ang wastong pangongolekta ng kita ng pamahalaan at ipatupad ang mga batas laban sa smuggling at iba pang ilegal na kalakalan.

(JESSE RUIZ)

89

Related posts

Leave a Comment