NANAWAGAN ang komunidad ng Sicogon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Senado at Department of Agrarian Reform (DAR) na aksyunan ang petisyon para ipawalang-bisa ang kautusan sa land swap na sumasaklaw sa ilang bahagi ng Isla ng Sicogon sa Iloilo.
Kasabay nito, hiniling ng komunidad na tugunan ang matagal nang mga alalahanin kaugnay ng 16 na taong joint venture ng Ayala Land Inc. (ALI) at Sicogon Island Development Corporation (SIDECO), na itinatag noong 2010 sa pamamagitan ng Sicogon Tourism Estate Corporation (SITEC).
Layunin ng pakikipagsosyo na paunlarin ang isla bilang destinasyon ng turismo, kalakip ang mga pangako sa pabahay, kabuhayan at pagpapaunlad ng komunidad.
Gayunman, patuloy na nangangamba ang mga residente hinggil sa mga pagpapalit ng lupa, karapatang agraryo at katuparan ng mga ipinangakong benepisyo para sa komunidad.
Ipinahayag din ng mga residente ang pag-aalala sa kasong legal na kinasasangkutan ng limang taga-Sicogon, na ayon sa kanila ay maaaring magsilbing pananakot o paghihiganti laban sa mga nagsasalita tungkol sa sigalot. Hiniling nila ang patas na pagsusuri sa kaso batay sa ebidensya at pagsunod sa angkop na proseso.
Dumalo sa pulong balitaan sa SOLACE Hotel sa Makati City ang mga kinatawan ng komunidad na sina Rosalita Mahinay ng Buaya Farmers and Fisherfolk Association (BUFFA), Randy Bernal ng USWAGON Homeowners Association (USWAGON HOA), at Eufemio Alcala ng Federation of Sicogon Island Farmers and Fisherfolks Association (FESIFFA), kasama ang kanilang legal counsel na si Atty. RC.
(DANNY BACOLOD)
97 