HINDI dumalo si Senator Robinhood Padilla sa ikalawang preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ) nitong Oktubre 9, 2026, kaugnay ng kasong obstruction of justice na isinampa laban sa kanya ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Patuloy namang inabangan ng mga mamamahayag ang pagdating ni Atty. Julius Henry Balteza, legal counsel ni Padilla, upang ipaliwanag ang legal na hakbang at depensa ng kampo ng senador.
Kasama rin sa legal team ni Padilla si Atty. Jimmy Bondoc, na dumalo sa unang pagdinig at abogado rin ng iba pang respondent sa kaso.
Nakatuon ang ikalawang pagdinig sa panig ng nagrereklamong PNP-CIDG, na inatasang magsumite ng mga kulang na dokumento at annexes na kailangan sa reklamo.
Una nang inilarawan ng kampo ni Padilla na tila minadali ang paghahain ng kaso, na anila’y posibleng bahagi ng panghaharas ng administrasyon sa mga kritiko at hindi kaalyado ng pamahalaan.
Itinakda sa Nobyembre 12, 2026 ang ikatlong preliminary investigation, kung saan inaasahang personal na haharap si Padilla upang panumpaan at isumite ang kanyang counter-affidavit.
Inireklamo si Padilla ng obstruction of justice kaugnay ng umano’y pagtulong niya sa pagtakas ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa mula sa Senado noong Mayo 14, 2026, sa gitna ng tangkang pagpapatupad ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC).
Itinanggi ni Padilla ang paratang at iginiit na nakisabay lamang sa kanyang sasakyan si Dela Rosa.
(JULIET PACOT)
90 