DESTINASYON NG 521 KILO NG HINIHINALANG METH NA NASABAT SA PRIVATE JET, INIIMBESTIGAHAN

HINDI pa matukoy ng Philippine National Police (PNP) kung sa Pilipinas nakatakdang dalhin ang 521 kilo ng hinihinalang methamphetamine na nasabat sa isang private jet sa Laos.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Allen Rae Co, batay sa ulat ng Malaysian police, nasabat ng mga awtoridad sa Luang Prabang International Airport sa Laos ang 23 maleta na naglalaman ng 500 pakete ng hinihinalang ilegal na droga noong Oktubre 1, 2026.

Galing umano sa Subang Airport sa Malaysia ang chartered private jet at patungo sa Laos. Pagdating sa Luang Prabang, isinakay sa eroplano ang mga maleta bago ito nakatakdang bumiyahe patungong Maynila.

Labintatlong indibidwal ang iniulat na naaresto kaugnay ng insidente, kabilang ang isang Singaporean na piloto, isang Malaysian na co-pilot at isang Pilipinong pasahero.

Sinabi ni Co na makikipag-ugnayan pa ang PNP sa mga katapat nitong ahensiya sa ibang bansa upang matukoy kung may kaugnayan ang Pilipinas sa naturang shipment.

(TOTO NABAJA)

117

Related posts

Leave a Comment