MODERNIZATION CONVENTION SINALUBONG NG PROTESTA

SINALUBONG ng kilos-protesta ng militanteng transport group na PISTON ang Public Transport Modernization Convention na idinaos sa Baguio City noong Huwebes, sa pangunguna ng World Bank, Department of Transportation (DOTr) at pamahalaang lungsod.

Nagsagawa ng protesta ang PISTON Metro Baguio sa tapat ng Venus Parkview Hotel, kasama ang mga miyembro ng grupong Anakbayan, isang oras bago magsimula ang convention.

Nakiisa rin sa pagkilos ang mga mag-aaral at kabataan bilang pagpapakita ng suporta sa laban ng mga tsuper at operator laban sa jeepney modernization program.

Mariing tinutulan ng mga nagprotesta ang planong pag-phaseout sa mga tradisyonal na jeepney, kabilang ang mga yunit na sumusunod sa Euro 4 emission standards.

Binatikos din nila ang sapilitang pagpapalit ng mga tradisyonal na jeepney ng mga imported electric vehicle. Ayon sa grupo, mas dapat bigyang-prayoridad ang lokal na pagmamanupaktura at rehabilitasyon ng mga umiiral na jeepney kaysa tuluyang alisin ang mga ito sa kalsada.

Ipinahayag ng PISTON ang pangamba na maaaring maapektuhan ng programa ang kabuhayan ng mga tsuper at operator, gayundin ang mga pasaherong umaasa sa pampublikong transportasyon.

Nagbabala ang grupo na maaaring magresulta ang programa sa pagkontrol ng malalaking korporasyon sa pampublikong transportasyon, pagkawala ng pagkakataon ng maliliit na operator na magkaroon at magpatakbo ng sariling sasakyan, at posibleng pagtaas ng pamasahe.

Pinuna rin ng PISTON ang DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa umano’y paglilipat ng responsibilidad sa mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng programa.

Giit ng grupo, may mga lokal na pamahalaang mabilis na nagpapatupad ng modernization program nang hindi sapat na kinokonsulta ang mga tsuper, operator at iba pang sektor na direktang maaapektuhan.

Samantala, sinabi ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na simula pa lamang ang convention ng mas malawak na serye ng mga konsultasyon upang matiyak na maririnig ang panig ng lahat ng stakeholder sa pagbuo ng angkop na modelo ng pampublikong transportasyon para sa lungsod.

(JESSE RUIZ)

108

Related posts

Leave a Comment