NDRRMC, OCD, ILULUNSAD ANG PANATAG PILIPINAS 3.0 SA MGA PAARALAN

MAKIKIISA ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Office of Civil Defense (OCD) sa paggunita sa International Day for Disaster Risk Reduction (IDDRR) 2026 sa pamamagitan ng pagsusulong ng kahandaan sa mga tahanan at paaralan.

Ayon sa Department of National Defense (DND), ang tema ng IDDRR 2026 na “Resilience Starts at Home” ay nagbibigay-diin sa mahalagang papel ng mga tahanan sa pagbuo ng ligtas at matatag na bansa.

Bilang pakikiisa ng Pilipinas, isinusulong ng NDRRMC at OCD ang lokal na temang “Panatag na Tahanan at Paaralan,” kasabay ng paglulunsad ng Panatag Pilipinas 3.0 campaign sa mga paaralan sa Oktubre 13, 2026.

Pinili ang mga paaralan bilang pangunahing lugar ng kampanya dahil sa mahalagang papel ng mga ito sa pagtuturo ng kaalaman at kasanayan sa paghahanda sa mga sakuna at kalamidad.

Sa pamamagitan nito, inaasahang maibabahagi ng mga mag-aaral, guro at iba pang kawani ng paaralan ang kanilang natutuhan sa kani-kanilang tahanan at komunidad.

Binigyang-diin din ng kampanya na hindi lamang sa paaralan natututuhan ang kahandaan. Ang mga kaalaman at kasanayang natutuhan sa tahanan ay maaari ring ibahagi sa paaralan at sa iba pang miyembro ng komunidad.

Sa ilalim ng Panatag Pilipinas campaign, tampok ang 28 preparedness videos na naglalaman ng praktikal na impormasyon tungkol sa iba’t ibang panganib at mga hakbang upang mapaghandaan ang mga ito.

Layunin ng mga video na mahikayat ang mga mag-aaral, guro, pamilya at komunidad na isabuhay ang kanilang mga natutuhan tungkol sa paghahanda sa mga sakuna.

Pinangunahan ng OCD, Department of Education (DepEd) at Presidential Communications Office (PCO) ang paghahanda sa opisyal na paglulunsad ng Panatag Pilipinas 3.0 preparedness videos sa mga paaralan bilang bahagi ng paggunita sa IDDRR 2026.

Kasabay rin ng IDDRR ang ASEAN Day for Disaster Management (ADDM), na ipinagdiriwang tuwing Oktubre 13 upang palawakin ang kamalayan ng publiko sa kahandaan at katatagan, gayundin ang pagpapalakas ng kooperasyon ng mga bansa sa Southeast Asia sa disaster risk reduction and management.

Binigyang-diin ng mga ahensiya na ang mga handang tahanan at paaralan ang nagsisilbing matibay na pundasyon para sa isang ligtas at matatag na bansa.

(JESSE RUIZ)

99

Related posts

Leave a Comment