POSIBLENG paghihiganti ang motibo sa panibagong pananambang sa mga sundalo sa Lamitan City, Basilan, nitong Huwebes ng gabi, na ikinasugat ng pitong sundalo at ng mag-amang sibilyan.
Ayon sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), posibleng paghihiganti ng armadong grupo ni Saddam Siddick ang nasa likod ng pag-atake, kasunod ng operasyon sa Barangay Baimbing, Lamitan City, na ikinamatay ng ikalawang asawa nitong si Nermalyn Salapuddin Musa.
Batay sa ulat, sinundo ng mga sundalo ang kanilang mga kasamahan sa Zamboanga City at pabalik na sa kanilang headquarters sa Tipo-Tipo nang tambangan sila dakong alas-6:50 ng gabi sa Barangay Sabong, Lamitan City.
Nauna nang nasugatan ang 10 sundalo at isang miyembro ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) sa pananambang sa Barangay Badja, Tipo-Tipo, Basilan, noong Oktubre 5.
(TOTO NABAJA)
88 