LUMAGPAS sa P4.4 bilyon ang kabuuang halaga ng covered at suspicious transactions na naiulat sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) kaugnay ng financial activities nina Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio mula 2007 hanggang 2025, ayon sa isang opisyal ng AMLC.
Ito ang ibinunyag ni AMLC Secretariat Executive Director Atty. Ronel Buenaventura bilang sagot sa clarificatory questions ni Senator-Judge Risa Hontiveros sa ika-33 araw ng impeachment trial na nakatuon sa usapin ng unexplained wealth.
Batay sa 2007-2025 summary ng financial activities ng mag-asawa na isinumite ni Buenaventura sa impeachment court, may 666 Covered Transaction Reports (CTR) at Suspicious Transaction Reports (STR) na may kabuuang halagang mahigit P4.4 bilyon.
Sa naturang halaga, nasa P3.7 bilyon ang mga transaksyong iniulat para kay Vice President Sara Duterte, habang halos P750 milyon naman ang para kay Atty. Manases “Mans” Carpio.
Tinanong ni Hontiveros kung posible bang may financial activities ang mag-asawa na hindi naiulat sa AMLC bilang covered o suspicious transactions.
“Kung hindi po pasok dun sa dalawang uri ng transaction, hindi po yun mare-report sa amin,” sagot ni Buenaventura.
Itinanong din ni Hontiveros kung maaaring hati-hatiin sa halagang mas mababa sa P500,000 ang mga transaksyon upang maiwasang mapasailalim sa covered transaction reporting.
“Para hindi po mai-report? Tama po yun, your honor, kasi hindi siya masasaklaw dun sa covered transaction report (CTR),” sabi ni Buenaventura.
Gayunman, maaari pa rin umanong ituring na suspicious transaction ang mga ganitong gawain kung may indikasyong sadyang hinahati-hati ng kliyente ang mga transaksyon upang makaiwas sa reporting requirements.
“Kaya lang po, meron din pong isang circumstance sa suspicious transaction report na kapag it appears na the client is trying to structure his transaction so as not to be reported subject of the reporting under the law, mati-treat po siya hindi as a covered transaction kundi as a suspicious transaction,” paliwanag ni Buenaventura.
May hiwalay ding listahan na nagpapakita ng mga na-flag na transaksyon ng 15 korporasyong iniuugnay sa mag-asawa mula 2007 hanggang 2025, kabilang ang mga transaksyon mula 2022 nang manalo si Duterte bilang bise presidente.
30 Active Bank Accounts ng Duterte-Carpio Couple
Samantala, hindi bababa sa 30 active bank accounts sa walong bangko ang personal na hawak nina Vice President Sara Duterte at Atty. Manases “Mans” Carpio mula 2022 hanggang 2025, ayon sa offer of testimony ng prosekusyon sa Senate impeachment court.
Sinabi ni Private Prosecutor Atty. James Bryan Ibrahim Alih na lumampas sa P190 milyon ang pinagsamang year-end balance ng mga account ng mag-asawa sa loob ng apat na taon.
Iniharap ng prosekusyon ang mga bank record upang ipakita na hindi umano idineklara ang naturang mga balanse sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Vice President Sara Duterte.
Ginawa ni Alih ang offer bago iprisinta si Eunice Sumatra, manager ng San Pedro, Davao branch ng Land Bank of the Philippines, bilang unang bank witness.
Naglatag ang prosekusyon ng 13 testigo mula sa walong bangko upang tukuyin at patunayan ang pagiging tunay ng mga financial record na isinumite sa impeachment court.
Kabilang sa mga bangkong saklaw ng common offer ang Land Bank of the Philippines, Asia United Bank, Philippine Savings Bank, Metropolitan Bank and Trust Company, Security Bank, Bank of the Philippine Islands, Philippine National Bank, at BDO.
Ayon kay Alih, anim na pangunahing punto ang kailangang patunayan ng mga bank witness, kabilang ang kanilang awtoridad bilang kinatawan ng mga bangko at ang pagiging tunay ng mga rekord na isinumite ng kanilang mga institusyon.
Saklaw din umano ng mga dokumento ang bank records nina Duterte at Carpio, gayundin ng mga entity kung saan mayroon silang business interest.
Patutunayan din ng mga rekord ang pagkakaroon ng hindi bababa sa 30 active accounts ng mag-asawa sa walong bangko mula 2022 hanggang 2025 at ang kanilang pinagsamang balanse sa katapusan ng bawat taon.
Batay sa mga figure na binasa ni Alih sa rekord, mahigit P59 milyon ang laman ng mga account sa pagtatapos ng 2022 at mahigit P71 milyon naman noong 2023.
Nasa mahigit P22 milyon ang pinagsamang balanse sa pagtatapos ng 2024, habang lumampas sa P35 milyon ang year-end balance noong 2025.
Kapag pinagsama ang mga balanse sa apat na taon, lumampas umano ito sa P190 milyon at hindi idineklara sa mga SALN ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Alih, magsisimula ang prosekusyon sa presentasyon ng mga account record bago tumungo sa mas malalaki pang transaksyong makikita sa mga dokumento.
“We will be working our way up to bigger and bigger transactions as we go along,” pahayag ni Alih.
Balak iprisinta ng prosekusyon ang dalawang Landbank witness, tatlong kinatawan ng Asia United Bank at mga testigo mula sa anim na iba pang bangko.
Giit ni Alih, inilalatag lamang ng prosekusyon sa impeachment court ang mga figure at account record na mula mismo sa mga bangko upang mapatunayan at maikumpara ang mga ito sa mga sinumpaang deklarasyon ni Vice President Sara Duterte.
(TINA MENDOZA)
88 