IGINIIT ng pamahalaan sa Korte Suprema na dapat ibasura ang petisyong kumukuwestiyon sa pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2026.
Naisumite na ng Office of the President, Senado, House of Representatives at Commission on Elections (COMELEC) ang kanilang komento sa petisyon ni Atty. Romulo Macalintal sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General (OSG), legal counsel ng pamahalaan.
Iginiit ng mga respondent na may sapat na batayan ang Republic Act No. 12326 at hindi lamang ito simpleng postponement ng halalan, kundi isang lehitimong batas na nagtatakda ng termino ng mga incumbent na opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan.
Kabilang sa pangunahing argumento ng pamahalaan ang umano’y paglabag ng petisyon sa “hierarchy of courts,” dahil dapat muna umanong idulog sa mga mababang hukuman ang ilang usaping nangangailangan ng pagtukoy sa mga factual matter.
Iginiit din ng mga respondent na ang pagtukoy sa haba ng termino ng mga opisyal ng barangay ay isang “political question” na saklaw ng kapangyarihan ng mga sangay ng pamahalaan at hindi dapat pakialaman ng hudikatura.
Pinabulaanan din ng mga respondent ang alegasyon na nagkakaroon ng “hold-over” o tila awtomatikong paghirang sa mga kasalukuyang opisyal, at sinabing bahagi lamang ito ng continuity of government service.
Kaugnay naman ng hiling na temporary restraining order (TRO) o status quo ante order, iginiit ng mga respondent na walang matinding pinsalang idudulot ang pagpapatupad ng batas.
Nagbabala rin ang pamahalaan na maaaring magdulot ng kalituhan at pagkaantala sa operasyon ng COMELEC ang anumang kautusan na muling ipagpatuloy ang paghahanda para sa halalan na orihinal na itinakda sa Nobyembre 2, 2026, lalo’t nasuspinde na ang ilang aktibidad gaya ng paghahain ng certificate of candidacy.
(JULIET PACOT)
93 