2027 NATIONAL BUDGET TARGET IPASA SA KAMARA SA OCTOBER 12

HINDI maaabot ng House of Representatives ang orihinal nitong target na petsa para sa third and final reading ng P7.2-trilyong pambansang budget para sa 2027, ngunit itinakda na ito sa October 12.

Sa halip na October 9, inaasahang maipapasa sa Kamara sa third reading ang 2027 national budget sa October 12.

Ito ay matapos aprubahan ng Kamara sa pamamagitan ng voice vote ang resolusyong humihiling ng pahintulot sa Senado na palawigin ang plenary sessions hanggang October 12, sa halip na mag-adjourn sa Biyernes, October 9.

Inihain ang resolusyon nina House Speaker at Isabela 6th District Rep. Faustino “Bojie” Dy III, Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos, Minority Leader at 4Ps Party-list Rep. Marcelino “Nonoy” Libanan, at Committee on Appropriations Chairperson at Nueva Ecija 1st District Rep. Mikaela Angela “Mika” Suansing.

Noong Agosto, sa pagsisimula ng budget cycle ngayong taon, itinakda ni Suansing ang October 9 bilang target date para sa third and final reading ng 2027 General Appropriations Bill (GAB).

Handa na sana ang budget bill para sa plenary consideration sa second reading noong sesyon nitong Lunes matapos maisama ang mga institutional amendment sa pamamagitan ng Budget Amendments Review Subcommittee (BARSc).

Gayunman, hindi isinama sa order of business ang GAB o House Bill No. 10858.

Sa ilalim ng mga patakaran ng Kamara, kapag walang emergency o certification of urgency mula sa Malacañang, kailangang maghintay ng hindi bababa sa tatlong araw ang isang panukalang batas matapos itong maipasa sa second reading bago ito maaprubahan sa third and final reading.

Dahil dito, itinakda sa Lunes, October 12, ang bagong target date para sa pagpasa ng GAB sa third reading.

Kinailangan ng Kamara ang pahintulot ng Senado para baguhin ang legislative calendar sa pamamagitan ng House Resolution No. 1501, dahil kailangang mag-adjourn sa parehong petsa ang dalawang kapulungan ng Kongreso.

(TINA MENDOZA)

116

Related posts

Leave a Comment