TINATAYANG P48 milyon halaga ng smuggled cigarettes ang nasabat sa isinagawang joint maritime law enforcement operation ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard (PCG) sa karagatang sakop ng Barangay Inogbong, Bataraza, Palawan nitong Linggo.
Anim na sakay ng isang lantsa na may kargang puslit na sigarilyo ang inaresto ng PNP-Maritime Group at Philippine Coast Guard.
Nadiskubre ng mga awtoridad ang 38,041 reams ng ipinuslit na sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng P47,931,660.
Nasamsam din ang 900 litro ng diesel na tinatayang nagkakahalaga ng P106,200 at hinihinalang puslit din.
Isinailalim na sa kustodiya ng PNP-Maritime Group ang anim na inaresto para sa imbestigasyon at dokumentasyon.
Nasa kustodiya na rin ng pulisya ang mga nakumpiskang kontrabando at ang motor launch boat na umano’y ginamit sa pagpupuslit.
Mariing ipinahayag ng PNP na ipagpapatuloy nito ang mga enforcement operation katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan, lalo na sa mga rutang madalas gamitin sa pagpupuslit ng kontrabando.
“This operation shows what can be achieved when our agencies share information and act together. Hindi lang ito tungkol sa isang shipment; it is also about protecting legitimate businesses and making sure that our laws are properly enforced,” pahayag ni PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Mahaharap ang anim na inaresto sa mga reklamong paglabag sa Republic Act No. 12022, Republic Act No. 10643, Presidential Decree No. 1865 at iba pang kaugnay na lokal na ordinansa.
(JESSE RUIZ)
48 