MANILA, Philippines — Habang naghahanda ang Mynt, parent company ng GCash, para sa nalalapit nitong initial public offering (IPO), inilarawan ng market observer at business commentator na si Mon Monson ang offering bilang isang “Pambansang IPO” dahil sa malawak na pagkakakilala at paggamit ng platform ng mga Pilipino.
Hindi tulad ng ilang IPO na maaaring hindi pamilyar sa publiko ang kumpanyang naglilista, papasok ang GCash sa stock market na may malawak na brand recognition at pang-araw-araw na paggamit sa iba’t ibang sektor.
Mula sa pagpapadala ng pera sa mga mahal sa buhay at pagbabayad ng bills hanggang sa pagbili ng load, pag-iipon, pag-iinvest at pag-access ng insurance products, bahagi na ng financial activities ng maraming Pilipino ang GCash.
Ayon kay Monson, ang malawak na familiarity ng publiko sa platform ang isa sa mga dahilan kung bakit naiiba ang nalalapit na offering.
“Maraming Pilipino ang maaaring hindi kilala ang mga kumpanya sa likod ng mga nakaraang IPO, pero kilala nila ang GCash dahil ginagamit nila ito. Nararanasan nila mismo ang halaga nito sa araw-araw nilang pamumuhay,” ani Monson.
“Kaya maituturing itong Pambansang IPO,” dagdag niya.
Mula sa pagiging mobile wallet, lumawak ang GCash bilang finance super app na nag-aalok ng iba’t ibang digital financial services.
Ayon sa kompanya, nagsisilbi ang platform sa milyun-milyong user sa buong bansa at tumutulong sa financial inclusion sa pamamagitan ng pagbibigay ng digital financial services sa mga indibidwal, pamilya, negosyante at komunidad.
Ang nalalapit na IPO ay hindi lamang capital-raising exercise kundi nagbubukas din umano ng pagkakataon para sa mas malawak na partisipasyon ng publiko sa growth story ng kumpanya.
Sa unang pagkakataon, magkakaroon ang publiko ng pagkakataong hindi lamang maging user ng platform kundi maging shareholder ng kumpanyang nasa likod nito, depende sa magiging terms at availability ng shares sa offering.
Binibigyang-diin din ng offering ang patuloy na paglago ng Philippine fintech sector at ang lumalaking papel ng teknolohiya sa pagpapalawak ng access sa financial services.
Ayon kay Monson, maaaring makatulong ang malawak na public awareness sa GCash upang makahikayat ng interes sa pamumuhunan mula sa mga ordinaryong Pilipino, kabilang ang mga maaaring unang beses pa lamang mag-invest sa stock market.
“This IPO has the potential to make investing more relatable because people already understand the product and the value it brings to their lives,” aniya.
Habang naghahanda ang Mynt para sa public listing nito, patuloy na nakatuon ang kumpanya sa innovation, financial inclusion at paglikha ng long-term value para sa mga user, partners, investors at iba pang stakeholders.
59 