IGINIGIIT ng kampo ni Senator Rodante D. Marcoleta na ang P75 milyong donasyong natanggap niya mula sa mga negosyanteng sina Mike Defensor, Joseph Espiritu at Aristotle Viray ay campaign funds at hindi personal na pera.
Batay umano ito sa mga notarized deed of donation at testimonya sa bail hearings kaugnay ng plunder case laban kay Marcoleta at sa tatlong donor.
Sa mga dokumentong nakuha ng media, nagbigay si Defensor ng P30 milyon, Espiritu ng P25 milyon at Viray ng P20 milyon.
Ayon sa kampo ni Marcoleta, malinaw sa mga deed of donation na ginawa noong Enero 6, 8 at 9, 2025 na ibinigay ang mga halaga bilang suporta sa posibleng pagtakbo ni Marcoleta sa May 12, 2025 elections.
Sinabi rin ng kampo na lumitaw sa testimonya ni Office of the Ombudsman Field Investigation Bureau Director Maria Melinda Mananghaya-Henson na magkakahawig ang tatlong deed of donation, na maaaring magpahiwatig na pare-pareho rin ang terms ng mga donasyon nina Defensor at Espiritu.
Iginiit ng kampo na salungat ito sa naging posisyon ni Marcoleta sa Commission on Elections (Comelec) na personal na pera niya ang mga naturang pondo, dahilan upang hindi niya isinama ang mga ito sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).
Sa kanyang sworn affidavit, sinabi mismo ni Marcoleta na si Viray ay “committed to donate to my campaign funds” sakaling tumakbo siya bilang senador.
Sinabi rin niya na ibinigay ni Viray ang P20 milyon “in support of my senatorial candidacy.”
Nakasaad din sa affidavit na nagbigay si Viray ng karagdagang P1.2 milyon para sa 6-percent donor’s tax, na ini-remit ng authorized representatives ni Marcoleta sa Bureau of Internal Revenue.
Iginiit ni Marcoleta na walang kapalit na official act ang donasyon at wala ring bahagi nito ang nagmula sa public funds, government contracts, procurement transactions, franchises o regulatory favors.
Samantala, sinabi ng kampo ng senador na higit na tumibay ang kanilang posisyon na campaign funds ang mga donasyon matapos ang testimonya ni Atty. Victoria Kadeja Besinio ng Comelec Political Finance and Affairs Department (PFAD) sa pagdinig noong Setyembre 3.
Batay umano sa cross-examination, inamin ni Besinio na ang rekomendasyon niyang kalaunan ay in-adopt ng Comelec na kasuhan ang mga donor ng election offense dahil sa hindi pagre-report ng kanilang kontribusyon ay nakabatay sa paniniwalang campaign contributions ang mga ito.
Ayon pa sa kampo, kinilala rin ni Besinio sa pagtatanong ng korte na hindi maaaring kasuhan si Marcoleta ng election offense sa ilalim ng naturang probisyon dahil dinecriminalize na ng Republic Act No. 7166 ang mga paglabag sa Section 109 ng Omnibus Election Code.
Wala pa umanong aksyon ang Comelec Law Department sa rekomendasyong kasuhan ang tatlong donor.
Samantala, kinuwestiyon ni Atty. Lawrence Arroyo, abogado nina Defensor at Espiritu, ang paggamit ng prosecution sa isang video ni Marcoleta bilang ebidensya, na binanggit ang res inter alios acta rule.
Sa ilalim ng Section 29, Rule 130, iginiit ni Arroyo na ang extrajudicial admission ng isang akusado ay hindi maaaring gamitin laban sa kanyang mga co-accused.
Ayon pa sa kampo, hindi nabanggit ang pangalan ni Viray sa naturang video at wala ring binanggit na “investment” sa video o sa fact-finding investigation. Anila, ang naturang salita ay lumitaw lamang sa testimonya ng witness at ng kanyang investigative team.
Iginiit din ng grupo na hindi kinapanayam ang mga donor sa isinagawang confidential fact-finding stage at hindi naging parties ang tatlo sa Comelec-PFAD fact-finding investigation.
Sinabi ng kampo na lumitaw lamang ang pagkakakilanlan ng mga donor mula sa tax returns at bank payment slips na kalakip ng Verified Position Paper ni Marcoleta, na hindi umano pinirmahan o tinulungan ihanda ng tatlong donor.
(JESSE RUIZ)
72 