MAAARI nang makabili ng shares sa mga nangungunang kumpanyang nakalista sa Philippine Stock Exchange (PSE) sa halagang P500 sa pamamagitan ng GStocks PH, ang in-app trading platform ng GCash na pinapagana ng AB Capital Securities, Inc.
Ayon sa GCash, mahigit dalawang milyon na ang users ng GStocks PH, na kumakatawan sa mahigit 50% ng online retail accounts sa PSE.
Sinabi ni Darvin Sy Su, GCash General Manager for Wealth Management, na bahagi ng pagpapalawak ng GCash mula sa pagiging payments app tungo sa financial platform ang pagbibigay ng mas accessible at secure na paraan para sa mga Pilipino na makapag-invest para sa kanilang long-term financial goals.
Kasabay nito, nananatiling prayoridad ng GCash ang financial literacy, lalo na para sa mga baguhan sa digital finance na nais matutong mag-invest sa stocks, bonds at funds.
Sa pamamagitan ng mga gabay at educational resources, layunin ng GCash na matulungan ang users na magkaroon ng sapat na kaalaman bago pumasok sa investment products at gumawa ng kanilang financial decisions.
Kabilang sa mga feature ng GStocks PH ang access sa shares ng mahigit 280 kumpanyang nakalista sa PSE, cash-in mula sa GCash wallet, investment guides at community resources, gayundin ang direktang pag-subscribe sa initial public offerings (IPO) na may live IPO Meter.
Para makapagsimula, kailangang pumunta sa GCash app, piliin ang Grow, pagkatapos ay GStocks PH at AB Capital Securities, Inc. Matapos maaprubahan ang account, maaaring mag-cash in ng minimum na P500 at pumili ng stock na nais bilhin.
(JOCELYN DOMENDEN)
53 