PAG-ABUSO SA CALL CENTER AGENTS, BUSISIIN

NAIS ni Senador Imee Marcos na busisiin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga kaso ng pang-aabuso sa mga call center, bunsod ng kanilang flexible na oras ng trabaho dulot ng pandemyang COVID-19.

Ayon kay Marcos, maaaring ginagamit ng mga call center ang inilabas na advisory ng DOLE, bago magpatupad ng lockdown nitong Marso, para ipitin ang sahod ng kanilang mga empleyado o kaya ay ipasa sa mga ito ang operational costs ng kumpanya para hindi malugi.

Kabilang sa mga reklamong natanggap ni Marcos ay ang hindi pagbibigay ng sahod sa nakalipas na 60 hanggang 90 araw, hindi pagkakaloob ng separation benefits para sa mga inalis sa trabaho, hindi nabayarang kuryente at wifi access para sa mga pang-gabing empleyado na nagtatrabaho sa kanilang mga bahay, mas mahabang oras ng trabaho para sa mga work-from-home na walang dagdag na bayad sakaling bumigay ang kanilang system tools at sapilitang maternity leave na walang katiyakan kung makababalik pa sa trabaho.

“Di lang sa maliliit na kumpanya nanggagaling ang mga reklamo pati sa mga nangungunang call center na kumikita halos ng bilyon kada taon. Yung isang kumpanya nga halos kalahati ang tinanggal nila sa kanilang mga empleyado,” pahayag ni Marcos.

Iginiit ni Marcos na dapat dumaan muna sa konsultasyon ng empleyado ang anomang pagbabago sa kumpensasyon bunsod ng flexible na oras ng trabaho, batay sa Labor advisory 9-20 at dapat itong i-report ng kumpanya sa pinakamalapit na opisina ng DOLE.

Sinabi ni Marcos na kailangang mahigpit na bantayan ng DOLE ang pagsunod sa batas ng mga kumpanya dahil sa posibleng mas malawak pa umano ang problema sa isyu na ito sa industriya ng BPO o business process outsourcing.

Umakyat sa 12% noong nakaraang taon mula sa 0.7% ng gross domestic product noong 2000 ang naging kontribusyon ng BPO industry sa ekonomiya ng bansa.

Naungusan ng Pilipinas ang India noong 2017 bilang pangunahing destinasyon ng BPO services na may workforce na 1.4 million, tinataya pang aabot ng 2.5 million ngayong taon, base sa 20% na paglaki ng industriya bawat taon bago pa ang pandemya. (Dang Samson-Garcia)

225

Related posts

Leave a Comment