WALANG nakikitang sapat na dahilan ang Philippine National Police (PNP) sa pangambang inihayag ng ilang sektor sa nalalapit na halalan bunsod ng pagreretiro ni PNP chief, General Dionardo Carlos pagsapit ng Mayo 8.
Pagtitiyak ni PNP spokesperson, Colonel Jean Fajardo, handang-handa na ang hanay ng mga pulis sakaling tuluyan nang bumaba sa pwesto si Carlos sa hudyat ng mandatory retirement pagsapit ng kanyang ika-56 na kaarawan.
“Wala pong dapat ipangamba ‘yung ating mga kababayan magkaroon man o hindi ng change of leadership sa PNP. Handa na po ang PNP tugunan ang pangangailangan pagdating sa seguridad dito sa ating eleksyon,” sambit ni Fajardo sa isang panayam.
Usap-usapan sa Palasyo ang pananatiling tikom ng bibig ni Pangulong Rodrigo Duterte sa napipintong pagsapit ng mandatory retirement ni Carlos. Paniwala ng ilan, pinag-iisipan ng Pangulo ang pagpapalawig ng termino ng pambansang hepe ng pulisya.
Noong Nobyembre ng nakaraang taon itinalaga bilang PNP chief si Carlos, kapalit ni General Guillermo Eleazar na ngayon ay kandidato sa posisyon ng senador. (JESSE KABEL)
749