SINANG-AYUNAN ni ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo na lagyan ng suggested retail price o SRP ang mga pagkain na laging tumataas ang presyo para maiwasan ang pagsasamantala ng ilang tusong mga negosyante.
“Inaabuso kasi ng ilang mga negosyante tulad ng mga middleman o mga broker ang presyo ng ilang pagkain dahilan para sumirit ang presyo nito sa merkado o mga palengke,” ayon kay Cong. Tulfo.
“Kasi kung susuriin ng mabuti, mura ang benta sa farmgate o yung mga producer ng mga bigas, gulay, itlog at karne ng mga manok at baboy pero pagdating sa palengke presyong ginto na ito,” paliwanag ni Tulfo na tumatakbong senador sa ilalim ng Alyansa sa Bagong Pilipinas.
Aniya, “Tumataas na ang presyo pagdaan sa kamay ng mga middleman o traders bago pa ipasa sa retailers na nasa mga palengke”. Kaya suhestiyon ng mambabatas, lagyan ng Department of Agriculture ng SRP ang mga pagkain na laging tumataas ang presyo tulad ng bigas, karne ng manok at baboy, isda, gulay, at iba pa.
“With the implementation of the SRP sa ilang pagkain, masisiguro natin na hindi maaaring manipulahin ang presyo ng produkto”, paliwanag ni Tulfo.
Sa ilang pagdinig ng Kongreso noong mga nagdaang buwan hinggil sa mataas na presyo ng pagkain, lumabas na ang middlemen at mga kartel ang nagdidikta ng presyo gaya ng bigas.
“Ang SRP kasi ang magkokontrol sa kikitain ng mga middlemen o trader o kartel para affordable pa rin ang produkto pagdating sa merkado,” ani Tulfo.
Dagdag pa ng mambabatas, kapag nag-stabilize na ang presyo ng naturang produkto, maaaring alisin na ng DA ang SRP nito.
