(DANG SAMSON-GARCIA)
AMINADO si Senador Sherwin Gatchalian na nakababahala pa rin ang resulta ng pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na nagpapakita ng bahagyang pagtaas ng insidente ng pagkagutom sa bansa.
Ayon kay Gatchalian, kahit bahagya lamang ang itinaas ng datos, ito pa rin ay nangangahulugang maraming pamilyang Pilipino ang nakararanas ng food insecurity o kawalan ng sapat na pagkain.
Ipinaliwanag ng senador na ang bawat porsyento ng pagtaas sa gutom ay katumbas ng libu-libong pamilyang hindi nakakakain ng sapat na dapat tingnan bilang panawagan para sa mas agresibong aksyon mula sa pamahalaan.
Binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng pamumuhunan sa sektor ng agrikultura upang mapabuti ang produksyon ng pagkain at mapababa ang presyo nito.
Ayon pa sa mambabatas, mahalaga ring palawakin ang mga feeding at nutrition programs lalo na sa mga lugar na mataas ang antas ng kahirapan.
Hinimok din ni Gatchalian ang mga ahensya ng pamahalaan na maging mas masigasig sa pagpapatupad ng mga programa laban sa gutom upang matiyak na walang Pilipinong maiiwan sa laban para sa seguridad sa pagkain.
Ayon sa SWS, sa pag-aaral na isinagawa nila sa huling linggo ng Abril 2025, tumaas ng 20 bahagdan ang bilang ng nagugutom na Pinoy, at 16.4 percent nito ang nagsasabing nakaranas sila ng moderate hunger, habang 3.6 percent ang dumanas ng labis ng kagutuman.
Lumilitaw rin na kalahati ng populasyon o 50 percent ng mga Pilipino ang nagsasabing sila ay mahirap.
“Moderate Hunger refers to those who experienced hunger ‘only once’ or ‘a few times’ in the last three months, while Severe Hunger refers to those who experienced it ‘often’ or ‘always’ in the previous three months,” paliwanag ng SWS.
Mas mataas ang bilang ng mga pamilyang nakaranas ng gutom sa Mindanao, na may 26.3 percent, sumunod ang Metro Manila na may 20.3 percent, habang sa Visayas naman ay 19.7 percent, at ang tinaguriang Balance Luzon—or areas outside Metro Manila—ay 17 percent.
Ang nasabing resulta ng pag-aaral ay halos isang porsyentong (0.9 %) mas mataas kumpara sa SWS survey na ginawa sa ikalawang linggo ng Abril ng kasalukuyan ding taon o 19.1 percent.
Lumitaw rin na walong porsyento ng mga Pilipino ang naniniwalang sila ay kabilang sa masasabing nasa “borderline” o nasa pagitan ng poor and not poor, habang 42 percent ang nagsasabing hindi sila mahirap.
(May dagdag na ulat si JESSE KABEL RUIZ)
