(CHRISTIAN DALE)
DAPAT nang gamitin ang mga paliparan na matatagpuan sa ibang rehiyon.
“Habang hindi pa natin naaayos ang airport sa Maynila, habang hindi pa naitatayo ang airport sa Bulacan, ‘yung airport sa Sangley, ito ‘yung mga proposal ngayon eh. Kailangan natin buksan ang mga airport sa regional,” ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kanyang naging talumpati sa grand opening ng bagong terminal building ng Clark International Airport sa Mabalacat City, Pampanga.
Wika pa ni Pangulong Marcos, ang ilang flights ay hindi na dapat pang dumaan sa Maynila kung maaari namang dumaan direkta sa mga lalawigan.
“Huwag nating pinipilit lahat na kailangan dumaan ng Maynila. So, direct na sa Bohol, direct na sa Cebu, marami na talagang direct. Direct sa CDO, direct sa Davao na mayroon na rin. Ganon, para di na kailangang dumaan ng Maynila. Kaya’t itong ganitong klaseng project is exactly on point when it comes to the plans that we have,” dagdag na pahayag ng Chief Executive.
Sinabi pa niya na ang bagong paliparan ay “a perfect example of what government and the private sector can do.”
Para sa Punong Ehekutibo, ito aniya ay “very strong signal” na ang Pilipinas ay bukas na para sa investments mula sa ibang bansa.
Samantala, kasama ng Pangulo sa nasabing event sina Unang Ginang Louise “Liza” Araneta-Marcos, Transportation Secretary Jaime Bautista, Tourism Secretary Christina Garcia-Frasco, at iba pang key officials mula sa pribadong sektor.
