BINATIKOS ng abogado ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang ang naging pahayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla kaugnay ng umano’y nalalapit na pag-aresto sa kanyang kliyente sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ayon kay Atty. Gabriel Villareal, ang mga pahayag ni Remulla ay “walang-ingat” at “iresponsable” at maituturing umanong isang publicity stunt. Binigyang-diin ng abogado na delikado ang ganitong mga pahayag, lalo na’t nagmumula ito sa isang Cabinet member at itinuturing na alter ego ng Pangulo, dahil maaari umanong ilagay sa panganib ang buhay ni Ang.
Partikular na tinutulan ni Villareal ang pahayag ni Remulla sa isang ulat-balita na inilarawan si Ang bilang “armado at mapanganib,” at dahil dito ay magiging iba umano ang paraan ng kanyang pag-aresto.
Giit ng abogado, ang naturang pahayag ay para umanong nagbibigay-daan sa isang “shoot-on-sight” o “shoot-to-kill” na operasyon laban sa kanyang kliyente, kahit wala pa umanong warrant of arrest na inilalabas ang alinmang hukuman.
“Hindi katanggap-tanggap ang ganitong pahayag, maliban na lamang kung layunin nitong impluwensiyahan o pilitin ang mga korte na umayon sa plano ng gobyerno laban sa aking kliyente,” ani Villareal.
Matatandaang noong nakaraang linggo ay inirerekomenda ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng mga kasong homicide, kidnapping at illegal detention laban kay Ang at 21 pulis kaugnay ng pagkawala ng ilang sabungero.
Ayon pa kay Villareal, nanatili sa bansa si Ang at patuloy umanong nakikipagtulungan sa mga awtoridad mula nang magsimula ang imbestigasyon.
Dagdag ng abogado, ang mga pahayag ni Remulla, kasama ang mga naunang hakbang ng mga imbestigador at tagausig ng estado, ay nagpapakita umano na nahatulan na si Ang sa mata ng publiko kahit hindi pa dumaraan sa wastong proseso ng batas.
(PAOLO SANTOS)
63
