Malasakit Fur All: Ang mas pinalawak na animal welfare advocacy ng Meralco

Kasama ni FPJ Panday Bayanihan Partylist Representative Brian Poe ang kanyang asong si Chanel sa ginanap na animal welfare seminar noong Marso 13 sa Meralco headquarters sa Pasig, patunay na nagsisimula ang tunay na adbokasiya sa personal na malasakit.

Sa loob ng mahigit isang siglo, naging bahagi na ng araw-araw na buhay ng maraming Pilipino ang Meralco. Malaki ang naging papel ng kumpanya sa pagbigay-liwanag sa mga tahanan, mga negosyo, komunidad, at ng ekonomiya ng bansa. Sa pagdiriwang nito ng ika-123 anibersaryo, may isa pang kuwento ang mas lalong lumilinaw—isang kuwento ng malasakit na hindi lang para sa tao, kundi pati na rin sa mga hayop na madalas hindi napapansin.

Sa likod ng mga poste, linya ng kuryente, at substations, unti-unting nabubuo ang isang komunidad ng mga empleyado na naniniwalang bahagi rin ng responsableng paglilingkod ang pag-aalaga sa mga hayop. Ito ang puso ng CATropa program ng Meralco.

Sama-Sama para sa mga Hayop

Hindi man karaniwang iniuugnay ang animal welfare sa isang power distribution company, pinapakita ng Meralco na ang tunay na serbisyo ay hindi nagtatapos sa paghahatid ng kuryente.

Mas nakita ito sa ginanap na “Malasakit Fur All: Meralco CATropa and KaBARKada,” isang buong araw na pagtitipon bilang bahagi ng ika-123 anibersaryo ng kumpanya at Rabies Awareness Month noong marso. Higit pa ito sa isang simpleng event—isa itong paalala kung ano ang hitsura ng malasakit kapag isininasabuhay.

Mahigit 150 empleyado, advocates, at partners ang nagsama-sama upang palakasin ang usapin tungkol sa animal welfare. Kabilang dito sina FPJ Panday Bayanihan Partylist Representative Brian Poe at Senator Francis “Kiko” Pangilinan, na patuloy na nagsusulong ng mas matibay na proteksyon para sa mga hayop.

Binigyang-diin nina Rep. Poe at Senator Pangilinan na kailangan ang sama-samang pagkilos ng mga institusyon, komunidad, at indibidwal para tunay na mapalakas ang proteksyon sa mga hayop. Kasama na rin dito ang pagsusulong niya ng kahalagahan ng mas mahigpit na pagpapatupad ng batas laban sa animal cruelty.

Samantala, ibinahagi naman ni Prof. Laureen Velasco ng De La Salle University kung paano nagsimula sa maliit na hakbang ang DLSU PUSA, isang organisasyong nagtataguyod ng kapakanan at responsableng pangangalaga sa mga community animals sa campus, hanggang sa maging tuluy-tuloy na adbokasiya ito para sa kanilang pamantasan.

Iisa ang malinaw sa mga mensaheng ito: mas nagiging makapangyarihan ang adbokasiya kapag sama-sama itong isinusulong.

Malasakit na Pagkilos

Para sa Meralco, hindi sapat ang simpleng pagpapalaganap ng impormasyon at kamalayan. Ang tunay na malasakit ay nasusukat sa mga konkretong aksyong may direktang epekto sa mga hayop at sa komunidad.

Nakipagtulungan ang Meralco CATropa volunteers sa Pasig City Veterinary Services Department para bakunahan ang mga community cats sa loob ng Meralco headquarters. Ayon kay Dr. Shealanda Padayao ng Pasig Veterinary Services Department, mahalaga ang ganitong klaseng partnership para maabot ang layunin na maging rabies-free ang Pilipinas pagsapit ng 2030. Para sa kanya, magiging posibleng makamit ang layunin na ito kapag may mga organisasyong handang makibahagi at kumilos.

Naging personal naman ang karanasan ng mga CATropa volunteers na lumahok sa aktibidad. Ayon kay CATropa volunteer Ericka Alvarez, namangha siya nang masaksihan kung paano lumago ang isang simpleng initiative at naging mas malawak na movement. Hangad niyang mas marami pang komunidad at kumpanya ang sumunod at makiisa sa adbokasiyang ito.

Mission PAW-ssible: Pangmatagalang Solusyon

Isa sa mga pangunahing programa ng Meralco para sa animal welfare ay ang Mission PAW-ssible, ang Trap-Neuter-Vaccinate-Return o TNVR program nito.

Sa pamamagitan ng partnership sa Biyaya Animal Care at local veterinary offices, 57 community cats na naninirahan mula sa iba’t ibang Meralco facilities ang nakapon sa event.

Simple man ang konsepto ng pagpapakapon, malaki ang epekto nito. Dahil sa halip na pansamantalang solusyon, tinutugunan ng TNVR ang ugat ng overpopulation ng community animals. Sa pagpigil sa tuluy-tuloy na reproduction, nababawasan ang bilang ng mga hayop habang napapabuti rin ang kanilang kalusugan at kaligtasan ng komunidad.

Kasabay nito, inilunsad din at mas pinaigting ng kumpanya ang Animal Welfare Guidelines nito para maturuan ang mga empleyado kung paano maayos at makataong makisalamuha sa community animals. Unti-unti, mas lumalalim ang pag-unawa na posible ang mapayapang coexistence ng mga tao at hayop.

Sama-samang lumagda ang mga Meralco sector heads sa CATropa Pledge Wall bilang pagpapakita ng kanilang suporta at pangakong palawakin pa ang kultura ng malasakit at animal welfare sa kani-kanilang lugar at opisina.

CATropa Awards Recognition

Sa CATropa Awards naman, kinilala ang mga indibidwal, grupo, at partners na may natatanging ambag sa pagsusulong ng animal welfare.

Kabilang sa mga pinarangalan ang Meralco Rizal Sector sa pamumuno ni Robert Dizer dahil sa aktibong pagpapatupad ng animal welfare initiatives sa kanilang opisina. Kinilala rin ang South Eastern Trading and Industrial Co., isa sa mga partner ng Meralco na nagsimula na ring isama ang animal welfare sa kanilang operasyon.

Kinilala naman si Marlo Guico, isang Meralco employee at CATropa volunteer, para sa kanyang dedikasyon sa adbokasiya; at si Dr. Louie Encarnacion, Mandaluyong City Veterinarian at community advocate, para sa kanyang patuloy na pagsusulong ng kapakanan ng mga hayop.

Pero higit pa sa mga tropeo at pagkilala, naging selebrasyon ito ng mga taong tahimik ngunit tuloy-tuloy na gumagawa ng kabutihan para sa mga hayop. Mga simpleng aksyon na kapag pinagsama-sama, nagiging tunay na pagbabago.

Kinilala ang 2026 CATropa Awardees para sa kanilang natatanging ambag sa animal welfare, pagbibigay-pugay sa mga indibidwal, grupo, at partners na patuloy na nagsasabuhay ng malasakit sa pamamagitan ng kanilang mga aksyon.

Para sa Pagmamahal sa mga Hayop

Bukod sa advocacy work, naging mas masaya at makulay din ang event dahil sa selebrasyon ng espesyal na koneksyon ng tao at hayop.

Kinilala rin ang mga security animals ng Meralco para sa mahalagang papel nila sa pagpapanatiling ligtas ng mga pasilidad ng kumpanya. Hindi lang sila tagapagbantay—bahagi sila ng komunidad.

Isang espesyal na segment din ang nagpakilala sa rescue dogs mula sa Biyaya Animal Care kasama ang ilang Meralco Bolts players. Ginawa ito para hikayatin ang adoption at mas responsableng pet ownership. Para kay Rachel Bautista, isang empleyado at CATropa volunteer, masaya at ipinagmamalaki niya na siya ay bahagi ng isang kumpanyang ang malasakit ay tunay na umaabot sa lahat, tao man o hayop.

Naging mas masaya rin ang pagtatapos ng araw sa KaBARKada Pet Fashion Show, kung saan ipinakita hindi lang ang creativity ng fur parents kundi pati ang kahalagahan ng responsableng pag-aalaga ng mga hayop.

Para naman kay Kimberly Noelle Bucao, fur parent ni Geagles na itinanghal na grand winner ng Pet Fashion Show, magandang paalala ang ganitong klaseng event para maging mas responsible at mapagkalingang pet owners.

Naging mas makabuluhan din ang selebrasyon sa suporta ng mga sponsor na sina Doggie Woggie, PetHub PH, Standard Insurance, Pawpy, Puppy Lab, Loyal Pet, Petzada, Same Day Pet Product, Furbyland, YumYum Dog Food, Maxime PH, PowerPets, 168 Mall, Tomoro, ARB Salad Master, Cimory Yogurt, at Snack Bouquet, na sama-samang tumulong upang maisakatuparan ang event at mas mapalakas pa ang adbokasiya para sa animal welfare.

Si Geagles, grand winner ng 2026 KaBARKada Pet Fashion Show, at ang kanyang fur parent na si Kimberly Noelle Bucao.

Kultura ng Malasakit

Nais din ng animal welfare program ng Meralco na maipasa ang adbokasiya sa mga susunod na henerasyon. Sa tulong ng The Storytelling Project, nagsagawa rin ng espesyal na storytelling session para sa mga anak ng empleyado ng kumpanya upang maturuan silang kilalanin ang kahalagahan ng pagpapamalas ng malasakit sa mga hayop.

Sa pamumuno ni Joe R. Zaldarriaga, Meralco Vice President at Head ng Corporate Communications, isinusulong ng CATropa ang isang mahalagang layunin – ang makabuo ng kulturang may malasakit sa mga hayop sa komunidad.

Ibinahagi ni Joe Zaldarriaga, Meralco Vice President at Head ng Corporate Communications, ang kuwento sa likod ng CATropa sa kanyang opening remarks, at kung paano patuloy na lumalawak ang kultura ng malasakit ng Meralco.

131

Related posts

Leave a Comment