Pamilya ng itinuturing na bayani nadismaya REBULTO NI HEN. ISIDORO TORRES ITINAYO SA CITY HALL NG MALOLOS

HINDI ikinatuwa bagkus ay nadismaya ang pamilya ng kinikilalang bayaning Bulakenyo na si Heneral Isidoro Torres sa ipinatayong rebulto nito na inilagay sa harap ng city hall ng lungsod ng Malolos dahil hindi umano ito kamukha at malayo sa tunay na hitsura.

Nabatid na nakatakda sanang bigyan ng pagpupugay ang nasabing monumento kasabay ng kanyang ika-155 anibersaryo ng kapanganakan noong Sabado (Abril 10) subalit hindi natuloy dahil sa umiiral na enhanced community quarantine (ECQ).

Nag-alay na lamang ng bulaklak ang city officials sa dambana bilang pagkilala sa kabayanihan nito at iniambag noong panahon ng rebolusyon.

Samantala, ayon sa pamilya ng kinikilalang bayaning Bulakenyo, noong una pa man bago ang sana’y gaganaping seremonya ay tinututulan na nila ito.

Ayon kay Toppie Torres, apo at spokesperson ng pamilya Torres, sa isasagawa sanang komemorasyon ng 155 anibersaryo ng kapanganakan ay hindi man lang sila inabisuhan at inanyayahan sa naturang inagurasyon hanggang sa nakita na lamang nila sa social media ang nakatayo nang rebulto.

Isa pa sa ikinasama nila ng loob, ayon sa pamilya ay ang maling wangis nito o hindi kamukha ng kanilang lolo ang lumabas na imahe ng rebulto.

Anila ay nagmukhang katawa-tawa ito na tila isang karakter sa komiks na si “kenkoy”.

Abril 6 nang sumulat ang pamilya kay Mayor Bebong Gatchalian kung saan sinabi ng mga ito na tinututulan nila ang maling pagkakagawa ng rebulto gayundin ang pagpapaliban ng sana’y isasagawang inagurasyon ngunit hindi nga natuloy dahil sa umiiral na ECQ.

Nabatid na una pa man bago simulan ang pagpapagawa ng rebulto ay lumiham na rin ang Torres clan sa Punong Lungsod kung saan inaaako na nila ang pagpapagawa ng rebulto at lahat ng gagastusin ay manggagaling sa kanilang bulsa.

“Nais namin na maging maganda, maayos at matibay ang rebulto kaya kami na sana ang magpapagawa pero binalewala nila,” ani Torres. (ELOISA SILVERIO)

453

Related posts

Leave a Comment