PATI PALAWAN AT SULU SEA INAANGKIN NA NG CHINA?

MANINIKTIK ni GREGORIO SAMAT

MAY mga kumakalat na mapa ng China na maging ang lalawigan ng Palawan ay inaangkin at isinama nila sa kanilang teritoryo na kung totoo ay direktang pananakop ito sa mainland Philippines.

Hindi pa masyadong napag-uusapan ang bagong mapa na ito ng China sa South China Sea dahil bago pa lang lumabas sa social media at wala ring impormasyong kung ito ay totoo o fake news.

Pero hindi na ako magtataka kung totoo ito dahil desidido ang China na mapalawak ang kanilang teritoryo kaya maging ang Sulu Sea ay iniikutan na ng kanilang navy ship dahil ang karagatang ito ay kasama sa kanilang bagong mapa.

Sa bagong mapa na kumakalat, buong Palawan ang nasa loob na ng kanilang teritoryo at ang mga bagong linya ay inilagay malapit sa Mindoro, Panay Island, Pangadian at Zamboanga peninsula.

Kung susumahin mo ang bagong mapa na ito, buong Sulu Sea ang inaangkin na ng China kahit hindi ito bahagi ng South China Sea kaya hindi na ako nagtakang may nagpatrulyang 3 navy ship ng People Liberation Army (PLA) noong Pebrero 2, 2025 sa karagatang ito.

Ang mga Chinese navy ship na ito ay kinabibilangan ng isang Renhai Class Cruiser Guided Missile, isang Jiankai Class Frigate II, at isang Type 903 Fuchi Class Replenishment Oiler na tila malakas ang loob na pumasok sa teritoryo ng Pilipinas.

Maaaring ang bagong mapa na ito ang dahilan kung bakit nagpatrulya ang mga Chinese navy ship at pumasok sa Sulu Sea na territorial waters ng Pilipinas kaya dapat tutukan ito ng mga kinauukulan.

Tila sinasamantala talaga ng China ang kahinaan natin at kulang na lang na isama ang buong Pilipinas sa kanilang teritoryo sa ganitong uri ng kanilang galawan kaya dapat maging mapagbantay ang lahat.

Lalong lumalakas ang loob ng China dahil maraming Pinoy ang nababayaran nila para sila ang suportahan imbes ang sariling bansa tulad ng pagtatanggol sa kanila kapag hina-harass nila ang mga mangingisda at mga awtoridad sa West Philippine Sea (WPS).

Mukhang ginagamit ng China ang taktikang “divide and conquer” sa Pilipinas. Pinag-aaway-away ang mga Pinoy para kapag hindi na nagkakaisa ang lahing kayumanggi ay maaari na silang pumasok para sakupin ang ating bansa.

Naniniwala ako na ang mga nagtatanggol sa China ay malaki ang pakinabang sa bansang ito kaya ipagtatanggol nila ang nagpapalamon at nagpapayaman sa kanila kahit ang kapalit ay kalayaan ng Pilipinas.

Sana tamaan ng hiya ang mga kababayan natin na “makabagong makapili” at magising sila sa katotohanan na kapag sinakop na talaga tayo ng China, kasama sila sa magiging biktima ng komunistang pamamalakad ng Chinese Communist Party (CCP).

59

Related posts

Leave a Comment