PBBM TIWALANG MAKAGAGAWA PH NG “ALL-FILIPINO” ELECTRIC VEHICLES

KUMPIYANSA si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makakagawa ang Pilipinas ng sariling electric vehicles (EVs), kabilang ang mga tricycle at jeepney.

Inihayag ito ng Pangulo nang inspeksiyunin niya ang pabrika ng MD Juan Enterprises, Inc. sa Caloocan City nitong Martes, Agosto 25, upang masuri ang pasilidad at matukoy ang mga karagdagang suporta at equipment na kakailanganin para sa lokal na produksyon ng EVs.

Sinabi ni Pangulong Marcos na susuportahan ng pamahalaan ang local manufacturing industry at ang pagpapalakas ng kapasidad ng mga kumpanyang gaya ng MD Juan Enterprises.

“Together with our technical consultants, I believe that we will soon be seeing a Filipino electric vehicle, tricycle, at maybe down the road makagawa na tayo ng jeepney,” ayon sa Pangulo.

Ang MD Juan Enterprises, Inc. ay isang benepisyaryo ng e-mobility program ng Department of Science and Technology (DOST) at kilala sa pagmamanupaktura ng machine-pressed metal parts at restoration kits para sa vintage, military at civilian jeeps.

Ayon kay Pangulong Marcos, tinutukoy ng pamahalaan ang mga kakulangan sa kasalukuyang kapasidad ng kompanya at kung paano makatutulong ang DOST at iba pang national government agencies upang maisulong ang lokal na produksyon ng EVs.

“Kaya tinitingnan namin ang mga facilities, ano yung nandito na, ano na yung mga kulang, ano pa yung mga kulang na susuportahan ng ating DOST, ng national government para makapagawa na tayo ng electric vehicle dito sa Pilipinas,” ani Pangulong Marcos.

Sinabi ng Pangulo na makatutulong ang pagbuo ng domestic EV manufacturing industry upang mabawasan ang pagdepende ng bansa sa imported petroleum products habang pinapalakas ang sektor ng transportasyon.

Maaari rin umanong lumikha ng mas sustainable livelihood opportunities para sa mga transport workers ang mga locally made EVs.

Sinabi pa ng Pangulo na kabilang sa susunod na hakbang ang paglalagay ng mga karagdagang equipment na kinakailangan para sa produksyon ng EVs.

Samantala, isinusulong ng administrasyon ang e-mobility bilang bahagi ng pagsisikap na gawing moderno ang sistema ng transportasyon, mabawasan ang pagdepende sa fossil fuels at mapaunlad ang local manufacturing capabilities.

(CHRISTIAN DALE)

61

Related posts

Leave a Comment