PBBM, VP SARA PROKLAMADO NA

(BERNARD TAGUINOD)

IPRINOKLAMA na kahapon ng National Board of Canvassers (NBOC) sa Joint Session ng Kongreso si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bilang ika-17 Pangulo ng Pilipinas at Sara Duterte bilang ika-15 Bise Presidente.

Dalawang araw na napaaga ang proklamasyon dahil maagang natapos ng NBOC ang canvassing sa 179 Certificates of Canvass (COCs) na sinimulan noong Martes ng hapon.

Unang target na proklamasyon sa Mayo 27 subalit naging mabilis ang canvassing of votes matapos magpahayag ang kampo nina Vice President Leni Robredo at Isko Moreno na hindi nila tututulan ang resulta ng canvassing.

Kapwa kinilala nina Robredo at Moreno sa pamamagitan ng kanilang abogadong sina Atty. Romulo Macalintal at Atty. Rizalyn Lumbera, ayon sa pagkakasunod, ang integridad ng katatapos na halalan.

Huling COC na na-canvass, alas-3:24 ng hapon kahapon ay mula sa City of Manila na nagkaroon ng problema dahil ang ballot box na dinala sa Senado at inilipat sa Batasan Pambansa ay walang lamang COC na isa sa mga ikinagalit ni NBOC co-chairman Sen. Juan Miguel Zubiri.

“Mr. Chairman I move to terminate the canvas,” ani Cavite Rep. Jesus Crispin “Boying” Remulla matapos ipaalam sa Joint Committee na ang Buenos Aires at Damascus, Syria ang hindi nakapagpadala ng COC subalit hindi ito makaaapekto sa resulta dahil 102 votes lamang ang mga ito.

“Ladies and Gentlemen, at this point this joint committee for the record has completed the canvass of all the certificate of canvas. On the party of the Senate, there have been no other COCs for consideration by this joint committee, the canvassing of votes for presidential and vice presidential in the May 9, 2022 elections is hereby terminated,” ani Zubiri na sinegundahan ni House Majority leader Martin Romualdez, co-chair ng Joint committee o ang NBOC.

Sa kabuuan, 98.84% o 53,815,484 votes ang na-canvass sa 171 mula sa 173 COCs dahil sa natitira na mula sa Buenos Aires at Damascus na hindi na nabilang.

Umaabot sa 58.77% sa mga botante, hindi lamang sa Pilipinas kundi sa iba’t ibang bansa o mga overseas absentee voter ang bumoto kay Marcos kaya nakakuha ito ng 31,629,783 votes habang 32,208,417 ang bumoto kay Duterte o katumbas ng 61.53%.

Sina Marcos at Duterte ang kauna-unahang pangulo at pangalawang pangulo ng bansa na ibinoto ng mayorya ng mga Pilipino habang ang mga nauna sa mga ito ay nanalo lamang sa pamamagitan ng popular votes.

Dakong alas-5:30 ng hapon nang mag-convene muli ang Joint committee kung saan in-adopt ang joint committee report ng resulta ng canvassing sa pamamagitan ng viva voce voting.

Matapos nito ay nag-resume ang Joint Session kung saan inaprubahan ang report ng joint committee o “Resolution of Both Houses (RBH) No. 1” para iproklama sina Marcos at Duterte na nanalong pangulo at pangalawang pangulo.

Eksakto alas-6:09 nang kapwa iproklama nina Senate President Vicente “Tito” Sotto III at House Speaker Lord Allan Velasco si Marcos bilang “duly elected president of the Philippines” at Duterte bilang “duly elected vice president of the Philippines”.

Mula sa holding area ay sinundo ng mga miyembro ng notification committee sina Marcos at Duterte at binati ang mga ito nina Sotto at Velasco.

Unang itinaas nina Sotto at Velasco ang kamay ni Duterte dakong alas-6:27 ng gabi.

Dumagundong naman ang session hall nang tawagin na si Marcos sa rostrum para itaas ang kanyang kamay bilang nanalong Pangulo ng bansa.

Kasama nito sa rostrum ang misis na si First Lady Louise “Liza” Araneta-Marcos, inang si dating First Lady Imelda Marcos, mga kapatid na sina Sen. Imee Marcos at Irene Marcos at anak na si Joseph Simon.

185

Related posts

Leave a Comment