PERJURY VS BUCOR OFFICIALS

SEN RICHARD GORDON

(NI DANG SAMSON-GARCIA)

NAGBABALA si Senador Richard Gordon na posibleng maharap sa kasong perjury ang mga opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) na isinasangkot sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) for sale.

Partikular na tinukoy ni Gordon si Correctional Officer III Veronica Buño na batay sa salaysay ng testigong si Yolanda Camilon ay nakausap nito para sa ibabayad niyang P50,000 kapalit ng maagang kalayaan ng kanyang asawang si Godfrey Gamboa.

Sa pagdinig noong Lunes, ipinarinig pa ni Camilon ang audio recording ng usapan nila ni Buño subalit itinanggi pa rin ito ng BuCor official.

Sinabi ni Gordon na sa sandaling makumpirmang boses ni Buño ang nasa audio recording, maaari itong maharap sa perjury.

Sa pahayag ni Camilon, itinuro rin nito sina Correctional Senior Inspector Maribel Bansil at Staff Sergeant Ramoncito Roque na sangkot sa transaksyon subalit paulit-ulit naman itong itinanggi ng mga opisyal.

Kaugnay nito, inatasan ni Gordon ang National Bureau of Investigation na imbestigahan ang cellular phones nina Bansila at Buño.

“We want the NBI to check if the phones were tampered, with messages and call logs deleted. Upon checking, we saw that one phone has only five messages while the other has two. Obvious sila dahil yung telepono binura lahat. Talagang nagtatago sila. Bakit ka naman magbubura kung wala kang tinatago? That shows that it is happening, na talagang nanghihingi sila ng pera tapos binura nila para walang makuhang ebidensya. That could be obstruction of justice” saad ni Gordon.

Hindi kumbinsido si Gordon sa palusot ng dalawang opisyal na nakaugalian nilang magbura ng mga mensahe sa kanilang telepono.

“Dalawa silang may habit? Dalawa silang partner? Imposible! Sabi ko nga sa kanila, magsabi na kayo ng totoo because your answers speak of the fact that you’re lying,” diin ni Gordon.

 

431

Related posts

Leave a Comment