TALIWAS sa paandar ng gobyerno, mukhang maaantala ang inaasam na pagbangon ng negosyo. Dangan naman kasi, tila nakalimutan o sadyang hindi napaghandaan ang pagbugso ng mga tao, gayundin ang mga sasakyan sa lansangan.
Isa sa nakikitang balakid ay ang pagbabalik ng lintek na pagsisikip ng trapik sa Metro Manila at mga karatig lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon at maging ang Bulacan.
Paano uusad ang mga kalakal sa bagal ng daloy ng sasakyan? Gaano katagal ba ang kailangang gugulin ng mga manggagawang papasok sa kani-kanilang trabaho? At ang konsumo ng patuloy na tumataas na presyo ng krudong gamit ng mga pampublikong sasakyan, ire-reimburse ba ng gobyerno?
Ayon sa mga tsuper, kinakain lamang ng mabigat na trapiko ang krudo at oras na dapat sana’y kumikita na sila maski paano sa ilalim ng “limited passenger capacity” na ipinatutupad sa mga pampublikong sasakyan.
Maging ang mga negosyante, napeperwisyo dahil sa pagkaantala ng kanilang mga kalakal na tanging inaasahan sa pagbangon ng kanilang kabuhayan.
Hindi rin dapat iwaglit ang mga manggagawang bawas ang sweldo sa bawat saglit na sila’y huling nakararating sa kani-kanilang trabaho.
Ilan lamang ‘yan sa mga problemang sumambulat sa pagluluwag ng alert level sa kabisera kung saan pinakamataas ang populasyon, komersyo at maging ang pangunahing tanggapan ng gobyerno.
Kung tutuusin, masyadong mahaba ang 21 buwang nasa ilalim ng mahigpit na community quarantine ang Metro Manila at mga karatig lalawigan para pag-isipan at paghandaan ng gobyerno ang nakaambang pagsisikip ng mga lansangan kasabay ng pagluluwag ng alert levels sa nasabing mga lugar.
Nakatatawang balikan ang mga pahayag na ipinalabas noong mga panahong mahigpit pa ang community quarantine status sa NCR, ng Department of Transportation (DOTr) at maging ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na kapwa ipinagyabang ang ginhawa ng mga pasahero sa pagluwag ng daloy ng trapiko sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA).
Batid ng mga pamunuan ng nasabing mga ahensya na limitado ang galaw ng mga tao noong mga panahong iyon. At iyon mismo ang dahilan kung bakit maluwag ang lansangan.
Ang siste, naging abala lang sa publisidad at paglikom ng pondo bilang paghahanda sa halalan ang itinalagang mga pinuno ng iba’t ibang departamento at tanggapan ng pamahalaan.
Ang totoo, higit na matindi kaysa dati ang pagsisikip ng daloy ng mga sasakyan ngayon sa EDSA.
239 