(NI JEAN MALANUM)
PANGUNGUNAHAN nina 2016 Rio Olympics veterans Hidilyn Diaz at Nestor Colonia ang 10-kataong weightlifting delegation na sasabak sa 30th Southeast Asian Games na gagawin sa bansa sa Nobyembre, na tatarget ng tatlo hanggang apat na ginto.
Kasama ni Diaz sa women’s team sina Mary Flor Diaz (45kg), Elien Rose Perez (49kg), Margaret Colonia (59kg), Elreen Ann Ando (64kg) at Kristel Macrohon (73kg).
Si Mary Flor na pinsan ni Hidilyn ay nanalo ng isang silver at dalawang bronze sa 2018 EGAT King’s Cup International Weightlifting Championship sa Thailand, samantalang tatlong gold naman ang nakuha ni Perez ng University of Bohol sa 2017 Asian Senior Cup Weightlifting Championships sa Yanggu, South Korea.
Si Ando ng University of Cebu ay nakasungkit ng dalawang silver at isang bronze sa 2018 Asian Youth and Junior Weightlifting Championships sa Urgench, Uzbekistan.
Nasa men’s team naman sina John Fabuar Ceniza (55kg), Dave LLoyd Pacaldo (61kg) at Jeffrey Garcia (71kg).
Magsisilbing coaches ng team sina Ramon Solis at Antonio Agustin Jr. na parehong nagbigay ng maraming medalya sa Pilipinas noong sila ay mga atleta pa.
Maliban kay Hidilyn na nanalo ng silver sa Brazil at ginto naman sa 2018 Asian Games sa Jakarta at 2017 SEA Games sa Malaysia, ang mga nasa line-up ay sumali sa nakaraang National Open Weightlifting Championships na ginawang batayan para piliin kung sino ang kasali sa SEA Games.
Ang torneo na ginawa noong Hulyo 14-20 sa Rizal Memorial Sports Complex ay pinamahalaan ng Samahang Weightlifting ng Pilipinas sa pamumuno ni Monico Puentevella.
“This year’s Open was an eye-opener as we just saw the emergence of a new breed of many young lifters from all over the country who are inspired to take the place of Hidilyn when she retires someday,” pahayag ni Puentevella kahapon.
“We’re thinking now of hosting the 2021 International Weightlifting Federation (IWF) Juniors and Youth Championships here to continue our master plan in preparation for the Olympics in Paris 2024. We’ve already gotten a silver. We’re just one shot away from the elusive gold,” dagdag ng dating Philippine Sports Commission (PSC) commissioner.
Nang tanungin siya kung ilan ang kayang mapanalunan ng mga Pinoy lifters sa SEA Games, ang tugon ni Puentevella ay: “our target is three to four golds, lalaban ang weightlifting.”
136