CAVITE – Patay ang isang construction worker habang inoobserbahan sa ospital ang kasama nito makaraang pagbabarilin ng suspek na nagbawal sa kanila na mag-igib ng tubig sa isang water pump sa bayan ng Noveleta sa lalawigan noong Lunes ng gabi.
Kinilala ang namatay na si Johnwil Fulipinas, 41, habang kritikal ang kalagayan sa ospital ni Crispin Delos Santos, 35, kapwa construction worker.
Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang suspek na si alyas “Tomasito”, ng Brgy. San Rafael 33, Noveleta, Cavite na tumakas matapos ang pamamaril.
Ayon sa ulat, nagtungo ang mga biktima sa Novelex sa Brgy. San Rafael 4, Noveleta, Cavite bandang alas-10:50 ng gabi upang mag-igib ng tubig sa isang water pump subalit nakita sila ng suspek at pinagbawalan ang mga ito.
Nagkaroon ng pagtatalo ang mga biktima at suspek subalit upang hindi na lumala ang away ay umuwi na lamang ang dalawa sa kanilang barracks.
Gayunman, sinundan sila ng suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril na nagresulta sa kamatayan ni Johnwil.
(SIGFRED ADSUARA)
