RAPIDO NI TULFO
ILANG linggo na ang nakalipas mula nang hawakan namin ang reklamo ng isang miyembro ng LGBT na si Dindin Catapang.
Ayon kay Dindin na isang OFW sa bansang Dubai, aabot sa mahigit P400,000 ang naibigay niyang pera sa dati niyang nobyo na si Red Ryan Alonzo, kasama na ang ilang mga gamit at motorsiklo.
Humingi ng tulong si Dindin sa Rapido para mabawi ang kanyang mga naibigay kay Red Ryan na umano’y niloko lamang siya.
Pero ayon sa isang abogado na aming nakausap, hindi na maaaring makuha ni Dindin ang kabuuang halaga na kanyang ibinigay. Maituturing umanong “donation” ang mga ibinigay niya dahil sila ay may relasyon noong mga panahong ibigay niya ang nasabing pera.
Nakausap ng Rapido si Red Ryan at hindi naman niya itinanggi na may mga perang naipadala sa kanya si Dindin kabilang na ang ipinangbili niya ng mga gamit sa bahay at motorsiklo.
Nakaabot sa aming kaalaman na nakuha pang magmayabang nitong si Red Ryan na hindi naman daw si Sen. Raffy Tulfo ang tumawag sa kanya kaya’t hindi siya natatakot. Pero nakuhang magpalit ng kanilang cellphone numbers. Hindi takot pero nagpalit ng number?
Nang makaharap niya ang aming staff ay mariin niyang itinanggi na sinabi niya na hindi siya takot sa Rapido at hindi raw siya nagpalit ng number.
Sa paghahalungkat pa ng Rapido, napag-alaman namin na binugbog din nito ang dati niyang kinakasama sa Quezon at nakatakdang magsampa ng kasong physical abuse.
Mukhang may problema sa isip itong si Red Ryan, na tatakbo umanong SK Chairman sa kanilang lugar. Paano mo bibigyan ng posisyon sa gobyerno ang ganitong uri ng tao na ngayong wala pang posisyon ay abusado na? Dapat ay harapin na lang ni Red Ryan ang kasong isasampa sa kanya ng dati n’yang kinakasama na aming tututukan din.
Sa huli, nakipag-areglo na lang si Red Ryan kay Dindin. Sa pamamagitan ng isang kasunduan sa barangay, nangako si Red Ryan na ibabalik ang halagang P100,000 kay Dindin at nauna na ngang ibinalik ang motorsiklo at sofang binili ni Dindin.
236
