CLICKBAIT
UMABOT sa halos 500,000 ang kaso ng child pornography, ayon sa imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ) Office of Cybercrime. Ang pigura ay naglagay sa Pilipinas bilang isa sa mga nangungunang bansa na maraming kaso ng online sexual abuse.
Hindi lamang kahirapan ang dahilan ng pagdami ng pang-aabusong sekswal sa online.
Kailangan ang mahigpit na implementasyon ng RA 11930 o ang Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act para mapalakas ang laban kontra sa krimen na ito.
Kung sa papel lamang nakadikit ang itinakda ng batas at hindi ipatutupad ng lahat ng katuwang sa laban ay hindi mawawala ang online na pang-aabusong sekswal, na umaagaw sa dangal ng mga bata.
Nilagdaan na ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng RA 11930. Sakop ng IRR ang tungkulin at responsibilidad ng pribadong sektor, internet service providers, hanggang sa internet hotspots at cafes.
Sinisiguro ng R.A. 11930, na nag-amyenda ng Anti-Child Pornography Act of 2009, na protektahan ang bawat bata laban sa lahat ng uri ng sexual na pang-aabuso at pagsasamantala.
Responsibilidad nga ng lahat, mula gobyerno hanggang mamamayan, na protektahan ang kawalan ng malay at kagalingan ng mga bata, ngunit ano ang sistematikong pagtugon sa abuso?
Marami nang regulasyon ang itinakda sa pagsugpo sa banta ng abuso, ngunit kailangan bang ulitin at ibandilyo muli ang parusang ipapataw sa mga salarin?
Hindi paalala ang kailangan kundi ang pagpapatupad ng batas na dapat may bigat at talim.
Seryoso at masalimuot na problema ang child pornography. Ang matibay na harang sa suliranin ay ang nagkakaisa at magkakatuwang na aksyon ng lahat. Ang pinagbuklod na puwersa ay bantay upang maging ligtas ang cyber space ng mga bata.
Dito bagay ang UNITY, na gasgas nang ginagamit sa mga isyung letse.
*Trahedya ginawang komedya*
Doble lungkot na hatid ng trahedyang sinapit ng Titan submersible na sumambulat habang patungo sa wreckage ng RMS Titanic, na lumubog noong April 15, 1912.
Halos magkahalintulad ng kapalaran ang barkong Titanic at Titan sub na nilamon ng kailaliman ng Atlantic Ocean. Sino’ng mag-aakala na makalipas ang 111 taon ay mauulit ang trahedya.
Pero may dagdag na kurot sa dibdib na sa halip makisimpatya ay pinagkatuwaan pa ng netizens ang sinapit ng limang sakay ng Titan Sub.
Oo nga’t masasabing kapareho ng Titanic ay kapalaluan din ang ugat ng trahedya sa Titan Sub ngunit nawalang buhay na ang pinag-uusapan kaya marapat lang na bigyan ito ng respeto.
Ilang araw trending ang Titan sub na gawa ng kumpanyang OceanGate Expeditions ngunit ang mga komento ay karamihang katatawanan sa sinapit ng submersible.
Lulan ng Titan Sub ang 61-anyos CEO ng OceanGate na si Stockton Rush, British-Pakistani businessman Shahzada Dawood, 48, anak nitong si Suleman, 19, British businessman Hamish Harding, 58, at ang 77-anyos French navy diver na si Paul-Henry Nargeolet.
Marami ring meme o mga larawan na nilagyan ng caption upang higit na magmukhang katawa-tawa. Tulad na lamang ng litrato ng stairs scene sa pelikulang Titanic na anila’y ganoon ang pag-welcome ng mga multo ng lumubog na barko sa kaluluwa ng limang namatay sa submersible.
Kapag buhay na ang pinag-uusapan ay walang mayaman at walang mahirap. Pare-pareho tayong binigyan ng Diyos ng isang pagkakataon dito sa mundo kaya mahirap isipin na ngayong makabagong panahon ay tila wala nang respeto at pagpapahalaga rito ang mga tao.
