HINUBARAN na ng maskara ang dalawang junket operators kung saan idinaan ang ransom money sa kidnapping at pamamaslang sa steel magnate na si Anson Que.
Sa isinagawang press briefing nitong Lunes ng umaga sa Kampo Crame kasama ang Anti-Money Laundering Council, sinabi ni PNP Spokesperson Police Brig Gen Jean Fajardo, kabilang sa dinaanan ng money trail ang 9 Dynasty Group at White Horse Club.
Sinabi ni Fajardo, na ang nasa likod ng 9 Dynasty Group ay si Mark Ong na isang Chinese at lumipat sa Pilipinas noong 1991 habang hindi naman pinangalanan ang nasa likod ng White Horse Club.
Si Mark Ong ay palihim umanong gumagamit ng iba’t ibang alias upang ikubli ang kanyang operasyon at pagkakakilanlan.
Samantala, ipare-revoke naman ng PNP ang junket operators Authority to Operate Agreement sa mga casino bilang legal na aksyon.
Kabilang din sa gagawin ang pag-freeze sa anomang pondong konektado sa kidnap-for-ransom o money laundering, maging ang mga digital o virtual assets.
(TOTO NABAJA)
