POLITICAL WILL VS SMUGGLERS, CARTELS ANG NARARAPAT – KMP

IMBESTIGAHAN NATIN Ni JOEL O. AMONGO
MANANATILING namamayagpag ang mga smuggler at cartel sa mga produktong agrikultura partikular sa bigas dahil walang political will si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ito ang sinabi ng grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa pamumuno ni Danilo Ramos, chairman ng KMP, dahil puro pitik lamang ang ginagawa ng pamahalaan laban sa mga sindikato na pumapatay sa lokal na mga magsasaka at nagpapahirap sa mga Pilipino.
Ayon pa sa grupong ito, kailangang magkaroon ng political will at sinseridad ang Pangulo para labanan ang talamak na smuggling sa mga produktong agrikultura.
Kinakailangang mapanagot at maipakulong ang mga utak ng sindikato sa bansa na nasa likod ng smuggling, hindi lamang sa bigas kundi maging sa asukal, gulay at iba pa.
Ayon pa kay Ramos, hindi maramdaman ang pagbabago sa ilalim ng administrasyon ni Marcos, kahit siya pa ang kalihim ng Department of Agriculture (DA), na isa umano sa mga ahensya ng gobyerno na kumukunsinti at nagbibigay ng proteksyon sa smugglers.
Sinabi pa ng lider ng mga magsasaka, isang organized crime ang smuggling at kilala umano ng DA at ng Bureau of Customs (BOC) kung sino ang mga smuggler, hoarder at tiwaling mga negosyante subalit walang napapanagot sa batas sa mga ito.
Hindi sapat ang mga pagsalakay at crackdown lamang sa mga warehouse na pinaglalagyan ng agri-products.
Kailangang makilala, mahuli, masampahan ng kaso at makulong ang mga miyembro ng sindikato na nasa likod ng smuggling.
Napansin kasi ni Ramos na sa tuwing nagsasagawa ng pagsalakay ang mga tauhan ng gobyerno sa mga bodega na imbakan ng mga bigas, ay walang natutukoy na smugglers at hoarders.
Kaya nakukulangan siya sa kampanya ng gobyerno laban sa smugglers at hoarders.
Sa ganang akin, ang pakiramdam ni Ramos sa ginagawang mga pagsalakay ng gobyerno sa mga warehouse ng bigas ay moro-moro at pakitang-tao lamang para sabihin na nagtatrabaho sila laban sa smuggling. Ganoon ba ‘yun, Ginoong Ramos?
May punto si Ramos sa kanyang mga sina­sabi dahil hanggang ngayon ay patuloy ang pagpasok ng mga smuggled na bigas sa bansa.
Sa kabila ng pagpasok ng mga imported na bigas sa Pilipinas ay patuloy namang mataas ang presyo nito sa merkado.
Tila walang epekto ang Executive Order No. 39 na naglalayong ipatupad ang P41 at P45 sa kada kilo na price ceiling sa regular at well-milled na bigas na inilabas noong Setyembre 5.
oOo
Para sa sumbong at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
344

Related posts

Leave a Comment