PORT OF BATANGAS PINURI NG BOC CHIEF SA MATAAS NA REVENUE COLLECTION

PINAPURIHAN ng Bureau of Customs ang Port of Batangas matapos itong makapagtala ng mataas na revenue collection surplus at matagumpay na pagpapatupad ng modernized systems sa operasyon ng pantalan.

Batay sa datos ng Aduana, umabot sa tinatayang P22.21 bilyon ang nakolekta ng Port of Batangas noong Marso, mas mataas sa target na P19.16 bilyon, dahilan upang makapagtala ito ng P3.05 bilyong surplus sa loob lamang ng isang buwan.

Para naman sa unang quarter ng 2026, nalampasan din ng pantalan ang target nitong P58.75 bilyon matapos makalikom ng humigit-kumulang P59.14 bilyon o may sobrang P398 milyon.

Dahil dito, pinuri ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno ang pamunuan ng Batangas Port sa maagap at data-driven nitong hakbang, kabilang ang maagang pakikipag-ugnayan sa shipping lines at importers, mahigpit na monitoring sa valuation systems, at pagpapatupad ng mga polisiya laban sa revenue leakage.

Ayon kay Nepomuceno, nakatulong din ang consultative meetings, pagkilala sa top importers at pagsusulong ng compliance programs upang mapalakas ang tiwala at partnership sa pribadong sektor.

Kinilala rin ng Aduana ang modernisasyon ng Port of Batangas sa ilalim ng pamumuno ni District Collector Carmelita M. Talusan sa paggamit ng real-time monitoring dashboards, mobile applications at tracking systems upang mapabilis ang operasyon at mapahusay ang data-driven decision-making.

Binanggit din ng BOC ang pagpapanatili ng pantalan sa ISO 9001:2015 Quality Management System certification bilang pagsunod nito sa international standards.

Ayon pa sa ahensya, nakaayon din ang operational priorities ng Port of Batangas sa IAM program ni Nepomuceno o Integrity, Accountability and Modernization, na layong palakasin ang transparency, ethical standards at modernization initiatives sa Aduana.

(JESSE RUIZ)

151

Related posts

Leave a Comment