Posibleng panibagong reclamation ng China AFP BINABANTAYAN FLOATING STRUCTURE SA BAJO DE MASINLOC

(JESSE RUIZ)

TINIYAK ng Armed Forces of the Philippines na mahigpit nitong mino-monitor ang mga aktibidad ng China sa Bajo de Masinloc matapos madiskubre ang isang floating structure na pinangangambahang maaaring simula ng panibagong reklamasyon at militarisasyon sa lugar.

Ayon kay AFP spokesperson for the West Philippine Sea na si Roy Vincent Trinidad, natuto na ang bansa sa mga naging hakbang ng China sa iba pang pinag-aagawang bahagi ng West Philippine Sea.

“We have learned our history kung paano nag-ooperate ang Chinese Communist Party. We are keeping a very close eye on developments sa Bajo de Masinloc,” ani Trinidad.

Ipinaalala niya na nagsimula rin sa maliliit na pasilidad gaya ng fishermen’s shelter, platform at konkretong istruktura ang mga itinayo ng China sa Mischief Reef bago ito naging isang malawak na artificial island at kalauna’y ginawang military base.

“Sinasabi nila na hindi ito mami-militarize, but in 2016, ‘yong unang military aircraft ay nag-land sa Mischief o Panganiban Reef,” aniya.

Iginiit ni Trinidad na malinaw ang direktiba sa AFP na ipagtanggol ang bawat pulgada ng teritoryo ng bansa.

Samantala, sinabi ni University of the Philippines Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea Director Jay Batongbacal na kahalintulad ito ng naging hakbang ng China sa Fiery Cross Reef bago ito ginawang militarisadong artipisyal na isla.

Ayon kay Batongbacal, sinasabi ngayon ng China na para lamang sa scientific research ang proyekto, ngunit ito rin ang naging paliwanag nito bago magtayo ng mga permanenteng istruktura sa Fiery Cross Reef.

Babala pa niya, kaya umanong gawing militarisadong pasilidad ng China ang Scarborough Shoal sa loob lamang ng isang taon kung iyon ang kanilang layunin.

Iminungkahi naman ni retired Philippine Navy Rear Admiral Rommel Ong ang mas mahigpit na pagbabantay sa rutang ginagamit ng mga barko mula Hainan patungong Bajo de Masinloc upang mapigilan ang posibleng pagpapalawak ng presensya ng China sa lugar.

Sa datos ng Philippine Coast Guard, nananatili pa ring nasa loob ng Scarborough Shoal ang naturang floating platform at patuloy itong mino-monitor ng mga awtoridad.

‘Di Isusuko ni PBBM

Kaugnay nito, hindi papayag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mawala sa Pilipinas ang kontrol sa Bajo de Masinloc.

“Hindi po hahayaan ng Pangulo na mangyari po iyan,” pahayag ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro nang hingan ng reaksyon hinggil sa posibilidad na mabura ang kontrol ng bansa sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal.

“Alam po natin kung ano ang totoong paninindigan ng Pangulo pagdating sa interes ng mga Pilipino at sa ating West Philippine Sea,” dagdag ni Castro.

Ayon sa kanya, batid ng Pangulo ang mga nagaganap sa lugar at nananatiling malinaw ang direktiba nito na gamitin ang mga diplomatiko at legal na hakbang upang mapangalagaan ang karapatan ng bansa.

Kinumpirma rin ni Castro na naghain na ang Department of Foreign Affairs ng diplomatic protest laban sa mga floating movable platform na ipinadala ng China sa Bajo de Masinloc.

“So, tuloy pa rin po ang ating paninindigan kung ano ang ating karapatan at ano ang dapat nating ipaglaban,” ani Castro.

Nauna nang naghain ng diplomatic protest ang Pilipinas laban sa China matapos mamataan ang naturang floating platform sa Bajo de Masinloc.

Hindi na nagbigay ng karagdagang detalye ang DFA dahil sa pagiging kumpidensyal ng usapin.

Samantala, sinabi ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for WPS Rear Admiral Jay Tarriela na unang nadiskubre ang floating platform sa pamamagitan ng satellite imagery at maritime domain awareness operations noong Mayo.

Ayon kay Tarriela, may lawak itong humigit-kumulang 30 square meters at tinatayang may habang lima hanggang pitong metro.

Nakita rin umano ang ilang Chinese nationals sa naturang platform noong Mayo 30 habang noong Mayo 31 ay mas lumalim pa ito sa bahagi ng Bajo de Masinloc sa tulong umano ng isang Chinese vessel.

(May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

47

Related posts

Leave a Comment