PALUWAGIN ANG METRO

BAHAGYANG lumuwag ang Metro Manila dahil sa pandemya ng COVID-19.

Magugunitang bago nagpatupad ng lockdown ang gobyerno noong Marso 2020 ay nag-uwian ang mga tao sa kani-kanilang probinsya.

Hanggang ngayon, marami pa rin ang nag-uuwian dahil nawalan na sila ng hanapbuhay, matagal na, at hindi nila alam kung kailan babalik sa normal ang buhay sa lungsod dahil hanggang ngayon ay umiiral pa rin ang community quarantine, iba’t ibang kategorya nga lamang.

Kahit papaano, nakaiwas sa gutom ang mga nag-uwian dahil sa probinsya, masipag ka lang ay mabubuhay ka dahil malawak ang lupa na tataniman ng pagkain nila araw-araw.

Bihira naman kasi sa mga taga-probinsya na nakipagsapalaran sa Metro Manila ang walang sariling lupa. Meron silang lupa kahit papaano na puwede nilang taniman ng gulay, pinaglagyan ng kanilang mga alagang hayop.

Kung mananatili nga naman sila sa Metro Manila habang may ­pandemya, magugutom lang sila dahil wala silang kita kaya umuwi na lang sila at nakaiwas pa na mahawa ang karamihan sa kanila sa COVID-19.

Pero kapag bumalik na sa normal ang buhay, wala ng hawaan sa COVID-19 na ikinalat ng China dahil nabakunahan na ang 70 milyong Filipino ay tiyak na magbabalikan sa Metro Manila ang mga nag-uwian sa probinsya.

Baka yung bilang ng mga nag-uwian ay madoble ang bilang pagbalik nila pero hindi yan pinaghahandaan ng mga local government units (LGUs) sa Metro Manila. Sabagay, last two minutes kung umaksyon ang gobyerno. Wala ng bago.

Kapag marami ang tao, isa sa mga pangunahing problema ay peace and order at kahirapan. Kapag matindi ang kahirapan, nagbubunga ng problema sa peace and order ika nga nila.

Paano resolbahin ito? Kailangan ang tulong ng national government. Ang executive at legislative branch of government. Kailangang ikalat ang development sa mga probinsya.

Merong mga panukalang batas na sinertipikahan ni Pangulong ­Rodrigo Duterte bilang urgent bill para huwag mahirapan ang mga dayuhang negosyante sa pagpasok at pagnenegosyo sa bansa.

Ang pag-amyenda sa ­Foreign Investments Act (FIA), Public Service Act (PSA) at Retail Trade ­Liberalization Act (RTLA) na paniguro lang kapag nabigo ang Kongreso na maamyendahan ang mga economic provisions ng 1987 Constitution.

Kapag naging batas ang mga panukalang iyan, dapat siguraduhin na hindi lang sa Metro Manila ilalagay ang mga bagong negosyong papasok. Ikalat sa apat na sulok ng bansa. Ilagay sa mga probinsya.

Hindi puwedeng i-concentrate sa Metro Manila ang mga bagong negosyo dahil kung ganyan ang mangyayari, tiyak na dadagsain ulit ng mga taga-probinsya ang lungsod dahil nandito ang oportunidad na hinahanap nila.

Kung ilalagay sa mga ­probinsya ang mga bagong negosyo, hindi na kailangang makipagsapalaran sa Metro Manila ang mga ­taga-probinsya, lalong magiging overcrowded ang lungsod.

Kung tatanungin mo ang mga taga-probinsya, ayaw nilang umalis sa kanilang bayang sinilangan kaso wala silang pag-asang umasenso kaya nakikipagsapalaran sila sa lungsod. Napipilitan lang silang lumuwas dahil wala silang mapasukang trabaho sa kanilang probinsya dahil nasa lungsod ang oportunidad na kanilang hinahanap.

Dyan papasok ang Executive Department, tiyakin na hindi lang sa Metro Manila ilalagak ang mga bagong negosyo.

Ikalat dapat ito sa probinsya at sa pamamagitan nyan, luluwag ang Metro Manila.

447

Related posts

Leave a Comment