Publiko pinag-iingat PEKENG PERA SA VOTE BUYING

INAMIN ng Philippine National Police (PNP) ang nagbabadyang malawakang vote-buying gamit ang mga palsipikadong pera sa nalalapit na 2022 general elections, makaraang madakip ang dalawang pinaniniwalaang miyembro ng sindikatong nasa likod ng nasabing operasyon.

Sa Cebu City pa lang, 88,000 piraso ng mga counterfeit bills ang nakumpiska sa magkahiwalay na operasyon nitong mga nakaraang araw makaraang makatanggap ng intelligence report kaugnay ng pagkalat ng pekeng 1,000 at 500 peso bills na nakatakda umanong gamiting pambili ng boto ng mga hindi pinangalanang politiko.

Kasama ang mga kinatawan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), timbog sa mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang 35-anyos na si Noval Luardo at 36-anyos na si Joseph Mercado Salas na kapwa nahulihan ng mga pekeng salapi.

Isinalang na rin sa tactical interrogation and mga suspek sa hangaring matunton ang utak ng sindikato – maging ang mga politikong umano’y kanilang pinagdadalhan ng mga counterfeit bills na gagamitin sanang pambili ng boto.

“I commend the CIDG headed by General Albert Ignatius Ferro (CIDG chief) for the successful operation that led to the arrest of two people behind the proliferation of fake peso bills in Cebu. Mga ordinaryo nating mga kababayan ang kalimitang biktima ng mga kriminal na ito kaya titiyakin natin na pagsisisihan ng dalawang ito ang kanilang ginawa,” saad ni PNP chief General Guillermo Eleazar sa isang pahayag.

“Hindi dapat mabigyan ng pagkakataon ang mga taong ito lalo na ngayong papalapit na ang kapaskuhan kaya pinapaalalahanan din natin ang ating mga kababayan na mag-isip-isip sa pagtanggap ng pera mula sa mga kandidatong bibili ng inyong mga boto dahil baka mabudol lang kayo,” dugtong pa niya.

Sinampahan na ng kaso ang mga suspek. (JESSE KABEL)

338

Related posts

Leave a Comment