CLICKBAIT ni JO BARLIZO
LUBHANG nakapagtataka ang biglaang pag-ingay ng mga banat sa lehitimong negosyo na PrimeWater.
Hindi tuloy maiwasang maitanong ng ilan: May kinalaman ba ito sa pulitika?
Bumuhos kasi ang banat at puna sa negosyong PrimeWater ng pamilya Villar matapos iendorso ni Vice President Sara Duterte ang kandidatura ni Camille Villar na tumatakbong senador sa ilalim ng ‘Alyansa’ ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Timing ang mga batikos lalo na’t nalalapit ang May 12 election. Kung walang eleksyon at walang kandidatong Villar ay hindi iisipin na may halo itong pulitika.
Ano naman konek ng kompanya sa endorso ni Duterte sa kandidatura ni Camille?
Marami kasi ang tumaas ang kilay sa biglang pagtaas ni Inday Sara sa kamay ni Camille na nauna nang sumama sa grupo ni Marcos Jr.
Pero bago pa man tumakbo na senador ang batang Villar ay isa nang lehitimong kumpanya ang Primewater.
Pangamba tuloy ng ilan, baka mawalan ng gana ang mga investor kung ganito tinatrato ang negosyo na iniuugnay sa pulitika. Hindi ba tayo masaya na ang namumuhunan sa ating bayan ay kapwa Pilipino at hindi dayuhan?
Hindi masama ang pumuna. Kung hindi kuntento sa serbisyo, puwede itong batikusin, ngunit sa pormang may halong mungkahi na gumawa ng hakbang ang binabanatan para mapaganda ang serbisyo.
Oo na’t kabilang ang batang Villar sa pamilyang may-ari ng PrimeWater, pero hindi siguro dapat ikinakabit sa kanya ang kompanya, me isyu man o wala, sa kanyang pagtakbo bilang senador.
Ang dapat suriin ay ang ginawang paglilingkod ni Camille bilang kinatawan ng Las Pinas.
Kaya hindi siguro masama kung magtiwala at magpakita ng suporta ang sinoman sa batang Villar dahil nagpapatunay na nakita nila ang kakayahan nitong maglingkod sa mamamayang Pilipino.
