RAPIDO ni PATRICK TULFO
HINDI na nakapagtimpi ang kilalang businessman at philanthropist na si Ramon Ang o RSA, sa batikos na natanggap nito kaugnay sa malawakang baha sa Bulacan nitong mga nakaraang linggo.
Noong nakaraang linggo ay nabanggit na natin sa pitak na ito ang kawalan ng interes ng ilang nakaupong opisyal ng Bulacan na solusyunan ang baha sa kanilang probinsya at iniasa na lang sa private company na katulad ng San Miguel Corporation, ang paggawa ng mga proyekto upang solusyunan ang baha.
Ito ay matapos mag-viral ang interview kay Bulacan Gov. Daniel Fernando ni Ted Failon noong nakaraang linggo, kung saan sinabi niyang wala siyang alam sa nasa P40B flood control fund na nakalaan sa kanyang lalawigan.
Matapos nito ay naglabasan ang mga vlog kung saan ang itinuturong dahilan umano ng pagbabaha sa Bulacan ay ang itinatayong airport ng SMC sa Bulakan, Bulacan.
Galit na sinagot ni RSA ang akusasyong ibinabato sa kanya at nag-alok pa ito ng P1milyon sa makapagpapakita sa kanya ng ebidensya na ang itinatayong airport ang sanhi ng malubhang pagbaha sa probinsya.
Ako mismo na taga-Bulacan ay alam na hindi pa man nabibili ng SMC ang lupain kung saan itinatayo ang airport ay binabaha na ang maraming lugar sa Bulacan.
Hindi makatuwiran na ituro sa isang kumpanya ang pagbaha upang pagtakpan ang pagnanakaw na ginawa sa pondong para solusyunan ang nasabing problema ng lalawigan. Kung naisakatuparan lamang ang nasabing mga flood control project ay hindi sana lubog ang halos lahat ng bayan sa Bulacan.
Bakit iniaasa ng pamahalaang lungsod ng Bulacan ang paggawa ng mga kanal para mabawasan ang pagbabaha sa probinsya kung hawak naman nila ang pondo para rito o kaya nilang ilapit ito sa national upang gumawa ng proyekto para dito?
May report na ang nasa likod ng nasabing vlog ay ang pamunuan ng Clark International Airport na maaapektuhan umano ng itinatayong airport ng SMC. Anoman ang rason sa likod ng nasabing vlog ay hindi naman nakatulong sa lalawigan.
Imbes na makatulong, gumagawa pa ang mga ito ng mga mali-maling impormasyon. Totoo ang mga katagang “Hindi magagabayan ng bulag ang kapwa niya bulag”.
82 