HULING ALMUSAL, SAKADA NILIKIDA

ISANG sugar cane farmer ang nilikida ng kapwa niya sagada na pinagbabaril habang nag-aalmusal kasama ang ilang kaibigan sa kanyang kubo sa Don Carlos, Bukidnon, ayon sa ulat ng pulisya nitong Huwebes.

Kinilala ng Don Carlos Municipal Police Station ang biktima na isang 31-anyos na sakada na binaril bandang alas-7:40 ng umaga noong Miyerkoles.

Target ngayon ng manhunt operation ang suspek na kilala rin umano ng biktima at ng mga kaibigan nitong nakasaksi sa pamamaril sa kubo sa Purok 6, Barangay Embayao.

Bigla umanong pumasok si alyas “Janjan” sa kubo at pinagbabaril ang biktima nang walang sabi-sabi, ayon sa mga saksi.

Nagpulasan naman palayo ang mga kasama ng biktima nang marinig ang sunod-sunod na putok dahil sa takot.

Ayon kay Maj. Al-Nico Haman, hepe ng Don Carlos Municipal Police Station, nagawa pang maitakbo sa ospital ng nagrespondeng mga pulis ang biktima matapos na matanggap ang tawag mula sa Civilian Volunteer Organization, hinggil sa naganap na pamamaril.

Subalit idineklarang dead on arrival ang biktima ng attending physician ng Maramag Provincial Hospital na kalapit-bayan lamang ng Don Carlos town.

(JESSE RUIZ)

86

Related posts

Leave a Comment