PUV MODERNIZATION TULOY – PALASYO

SINABI ng Malakanyang na magpapatuloy ang Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program.

Subalit, binigyang diin ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi ito dapat ipatupad nang padalos-dalos o nang walang tamang preparasyon ng apektadong sektor.

Sinabi pa ni Castro na ipinresenta ni Transportation Secretary Vince Dizon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kasalukuyang hamon na kinahaharap ng Public Transportation Modernization Program (PTMP), partikular na ang kahandaan ng mga jeepney driver at operators na sumunod na may pagsang-ayon at financial requirements.

“Napag-usapan po ‘yan, nilahad po niya kung anu-ano ang mga issue kung ngayon agad ipapatupad ,” ang sinabi ni Castro.

Winika pa ni Castro na kailangan munang tiyakin ng gobyerno na ang mga drivers at operators ay sinanay at suportado sa pagbuo at pagbalangkas at pangangasiwa ng mga kooperatiba.

“The government is also now considering tapping more manufacturers to help reduce the cost of modern units,” dagdag na pahayag ni Castro.

Gayundin, tinukoy ng pamahalaan ang affordability ng loan payments at alalahanin hinggil sa route availability, lalo na sa mga lugar na may mababang presensya ng jeepney. Matutugunan ito sa pakikipagtulungan sa local government units (LGUs).

Sa kabila ng mga hamon, magpapatuloy ang programa subalit bibigyan ng oras at suporta ang mga stakeholders para mag-adjust.

“Tuloy pa rin po ang PUV modernization program,ihahanda lang po natin ang mga stakeholders dito,” ang sinabi ni Castro.

“The President welcomed the recommendations, and said implementation must be well thought out and fair,” aniya pa rin.

(CHRISTIAN DALE)

19

Related posts

Leave a Comment