IPINAHIWATIG kahapon ni House Deputy Speaker at Cebu Rep. Duke Frasco ang malawakang pagkadismaya sa pamumuno ni Speaker Martin Romualdez.
Una nang inamin ni Frasco na ang kanyang desisyon na hindi pirmahan ang manifesto of support kay Romualdez ay resulta ng kanyang konsultasyon sa local leaders mula sa Visayas at Mindanao na hindi na pabor sa paraan ng pamumuno sa Kamara.
Ito ay matapos siyang tanggalin bilang miyembro ng National Unity Party.
“In recent weeks, I have spoken with my colleagues in Congress, local leaders—especially from the Visayas and Mindanao—and most importantly, with my own constituents. A shared frustration has emerged. There is deep disappointment that the unity our people once hoped for has been steadily undermined by political and personal interests,” pahayag ni Frasco sa isang statement.
Ayon kay Frasco, maraming local leaders ang dismayado sa sobrang pamumulitika sa loob ng Kamara na siyang nagdudulot ng pagkakawatak-watak.
Tinukoy nito ang galawan sa Kamara na dalawang araw pa lamang mula nang matapos ang May 12 election ay pinapipirma na sa isang manifesto of support ang mga incoming congressmen.
Ang hindi pagpirma ni Frasco sa manifesto ang dahilan ng pagpapatalsik sa kanya sa NUP.
Una nang sinabi ni NUP President at Camarines Sur Rep Lray Villafuerte na ang posisyon ng partido ay suportahan si Romualdez na manatili sa pwesto bilang Speaker sa ilalim ng 20th Congress.
Ngunit naniniwala si Frasco na kailangan tingnan muna ang direksyon ng liderato sa Kamara sa harap na rin ng mababang resulta ng 2025 midterm election para sa administration senatorial lineup.
“The President has consistently called for unity, stability, and a government that delivers meaningful change. I firmly believe that the House of Representatives should reflect these values, not only through the laws we pass, but also in the leadership that we uphold,”giit ni Frasco na Deputy Speaker ng Kamara.
Samantala, itinuturing ng ilang political observers na “red flag” ang pagdistansya ni Frasco sa House leadership dahil nangangahulugan ito na mayroon nang lamat sa pamumuno ni Romualdez.
Naniniwala ang mga analyst na may “backing” ng political bloc sa Kamara ang galaw ni Frasco lalo at galing ito sa political powerhouse sa Cebu City.
(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
